Home NATIONWIDE BI: Pagtungo sa ibang bansa ‘di mapahihirap ng revised guidelines sa departure...

BI: Pagtungo sa ibang bansa ‘di mapahihirap ng revised guidelines sa departure formalities

MANILA, Philippines- Iginiit ng Bureau of Immigration (BI) na hindi dapat mag-alala ang mga turista dahil walang pagbabago sa kasalukuyang isinasagawang proseso para sa mga papaalis na Pinoy.

Kinumpirma ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga pahayag ng Department of Justice (DOJ) na nagsasaad na ang bagong guidelines ay paglilinaw sa mga umiiral nang guidelines sa departure formalities.

Sa isang press briefing na ginanap noong Huwebes, sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na ang kamakailang inilabas na guidelines ng Inter-agency council against trafficking (IACAT) ay walang karagdagang pangangailangan para sa mga papaalis na turista.

“The guidelines streamline the requirements and do not add more to departing tourists,” ani Remulla. “More than 95% of departing Filipinos would not need to present more documents apart from the basic ones,” giit pa nito.

Sinabi ni Tansingco na sa nasabing panuntunan, ang mga papaalis na turista ay kailangan lamang ng passport valid for at least 6 months, valid visa kung kailangan ng visa, boarding pass, at confirm round trip ticket.

Nilinaw ni Tansingco na tulad ng nakaraan, tanging ang mga Pilipinong umaalis na may mga “red flags” ang maaaring kailanganin na magpakita ng karagdagang mga supporting documents, na ngayon ay tinukoy sa mga alituntunin. Ang listahan, aniya, ay titiyakin na ang mga opisyal ng imigrasyon ay tumitingin sa mga partikular na pangangailangan at hindi nangangailangan ng mga walang kuwentang dokumento.

Sa ginanap na briefing, binigyang-diin ng IACAT ang kahalagahan ng mga alituntunin sa pagprotekta sa mga papaalis na Pilipino mula sa human trafficking at illegal recruitment. Ang Republic Act 9208 o The Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ay nag-aatas din sa IACAT na magpahayag ng mga patakaran at regulasyon para sugpuin ang trafficking.

“This is the same procedure we have been previously implementing, but it has been streamlined by the IACAT so it is clearer for Filipinos,” ani Tansingco.

Ayon pa sa IACAT, ang mga alituntunin ay nag-streamline ng mga kinakailangan para sa bawat uri ng papaalis na pasahero alinsunod sa direktiba ng Pangulo. Ang hakbang, ayon sa BI, ay magbibigay linaw sa mga kinakailangang departure documents at maalis ang mga hindi kinakailangang requirements at mga katanungan mula sa mga opisyal ng imigrasyon.

Ibinahagi ni Tansingco na ang mga alituntunin sa mga departure formalities ay ipinapatupad na mula noong 2012, at kalaunan ay binago noong 2015. Tiniyak niya sa mga manlalakbay na ang mga bagong alituntunin ay hindi magiging dahilan para sa mga hindi kinakailangang panayam.

“There is no new policy for departing tourists being implemented by the BI,” ani Tansingco. “The guidelines has been here since 2012—which is more than a decade ago, and has been refined by IACAT to address concerns raised by the public. Departing tourists need not worry,” dagdag pa ng opisyal.

Ang IACAT ay isang interagency body na pinamumunuan ng DOJ, co-chaired ng Department of Social Welfare and Development.

Ilan sa mga miyembrong ahensya ay ang BI, Department of Foreign Affairs, Department of Information and Communications Technology, Department of Tourism, Department of Migrant Workers, Commission on Filipinos Overseas, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police. Kasama rin sa mga miyembro ng council ang mga non-government organization na International Justice Mission, Coalition Against Trafficking of Women-Asia and the Pacific, at Blas Ople Policy Center and Training Institute. JAY Reyes