MANILA, Philippines – KASABAY ng paghahanda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), mahigpit na pinaalalahanan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan na ipinagbabawal ng batas ang pagsali nila sa mga gawaing pulitikal sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Norman Tansingco ang nasabing paalala pagbabawal at binanggit ang mga nakaraang insidente kung saan ilan sa mga dayuhan ang ipinatapon pabalik ng kanilang bansa dahil sa paglahok sa mga protesta at aksyong masa.
“We are issuing this reminder to prevent any recurrence of incidents where we had to deport foreign protesters,” ani Tansingco.
“Being a visitor in the Philippines does not confer rights and privileges akin to those of a Filipino citizen. Joining political demonstrations is a blatant display of disrespect towards the country’s authorities and constitutes meddling in our internal affairs as a sovereign nation,” dagdag pa ng opisyal.
Matatandaang noong 2013, ang Dutch citizen na si Thomas van Beersum ay ipinatapon matapos sumali sa isang protesta at panunuya sa isang umiiyak na pulis, habang ang Canadian student na si Kim Chatillon-Miller ay ipinatapon dahil sa paglahok sa isang anti-SONA demonstration.
Noong 2018, ang Zimbabwean Tawanda Chandiwana, American Adam Thomas Shaw, at Malawian Miracle Osman ay inutusang umalis ng bansa para sa kanilang paglahok sa makakaliwang aktibidad.
“Follow our laws,” giit ni Tansingco. “It is straightforward and clear. Foreign visitors are prohibited from participating in political demonstrations. We welcome your stay in the Philippines, but we expect you to respect our government and our laws,” dagdag pa nito.






