MANILA, Philippines – MATAPOS magpatupad ng malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa nitong nagdaang Semana Santa, magpapatupad naman sila ng bigtime oil price hike na magiging epektibo bukas ng umaga.
Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng malakihang dagdag presyo na P1.35 sa kada litro ng gasolina, P1.30 sa kada litro ng diesel, at P1.10 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
May malakihang dagdag presyo rin sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang CleanFuel na magiging epektibo bukas ng alas-4:01 ng hapon.
Ang ipatutupad na oil price hike ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Matatandaan na nagpatupad nitong nakaraang Martes ng oil price rollback ang mga kompanya ng langis sa bansa na P3.60 sa kada litro ng gasolina, P2.90 sa kada litro ng diesel, at P3.30 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes