MANILA, Philippines – Posibleng sumirit ng hanggang P5 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo simula Setyembre 15 dahil sa nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay Jetti Petroleum president Leo Bellas, maaaring tumaas ng P2 hanggang P2.50 kada litro ang diesel, habang posibleng umakyat naman ng P4.50 hanggang P5 kada litro ang gasolina.
Aniya, patuloy na tumataas ang presyo ng langis dahil sa pangamba sa suplay mula sa Middle East.
Dagdag ni Bellas, malaki rin ang naging pagtaas sa presyo ng gasolina sa Asya dahil sa malakas na demand kasabay ng mga problema sa suplay.
Batay ang pagtataya sa unang apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at galaw ng foreign exchange. Ang MOPS ang ginagamit na batayan sa presyo ng refined petroleum products sa Southeast Asia.
Inaasahang iaanunsyo ng mga kumpanya ng langis sa Lunes ang pinal na taas-presyo para sa Setyembre 15. JAY Reyes