MANILA, Philippines – DAHIL sa patuloy na pagtaas sa lumalalang tensyon sa rehiyon ng Middle East, inanunsyo ng mga oil retailer nitong Lunes ang panibagong malakihang taas-presyo sa produktong petrolyo na nagdudulot ng krisis, hindi lamang sa mga produktong petrolyo kundi sa ekonomiya at kalakalan sa buong bansa.
Nabatid na umabot na sa ika-13 sunod na linggo ang pagtaas ng gasolina habang nasa ika-15 linggo naman na pagtaas para sa diesel at kerosene.
Sa abiso ng Shell Pilipinas Corp., magpapatupad sila ng taas presyo na P5.90 sa kada litro ng gasolina, P19.80 sa kada litro ng diesel, at P9.10 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas, Martes ng umaga, Abril 7.
Samantala, wala pang inilalabas na katulad na anunsyo ang iba pang kumpanya ng langis para sa linggong ito.
Kaugnay nito, nagbabala si Donald Trump na maaaring targetin ng Estados Unidos ang mga planta ng kuryente at tulay ng Iran kung hindi muling bubuksan ang Strait of Hormuz pagsapit ng alas-8 ng gabi ng Martes (oras sa silangang bahagi ng US). Ang nasabing rutang pandagat ay dinadaanan ng tinatayang ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo. JAY Reyes