MANILA, Philippines – Magandang balita sa mga motorista, asahan na ang malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo kasabay ng pagdiriwang ng Mahal na Araw batay sa pagtantiya ng Department of Energy nitong araw ng Biyernes.
Batay sa pagtantiya ng industriya ng langis sa bansa, asahan ang bawas presyo na P3.30 hanggang P3.75 sa kada litro ng gasolina, P2.90 hanggang P3.40 sa kada litro ng diesel, at P3.40 hanggang P3.50 naman sa kada litro ng kerosene.
Ang naturang pagtantiya ay batay sa apat na araw na pangangalakal sa Mean of Platts Singapore (MOPS).
Ang malakihang bawas presyo ay dulot ng lumalalang tensyon sa kalakalan sa pagitan ng US at China na nagreresulta sa takot sa recession at pagbaba ng demand para sa krudo.
Ang mga kumpanya ng gasolina ay nag-aanunsyo ng kanilang panibagong presyo kada litro tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.
Sa unang bahagi ng linggong ito, ang mga kumpanya ng langis ay nagpatupad ng bahagyang pagbaba sa kanilang mga produkto. JAY Reyes