Home HOME BANNER STORY Malakanyang tiniyak, PBBM nasa maayos na kalusugan

Malakanyang tiniyak, PBBM nasa maayos na kalusugan

MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang na maganda ang kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tugon ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa kumakalat na espekulasyon na hindi maganda ang kalusugan ng Pangulo dahil na rin sa napansin ng mga netizens ang pagdurugo ng ibabang bahagi ng bibig ng Chief Executive habang nagtatalumpati ito sa paggunita ng Araw ng Kagitingan, araw ng Miyerkules, Abril 9.

“Maganda po ang kalusugan ng ating Pangulo dahil kung hindi po maganda ang kalusugan ng ating Pangulo, malamang ay hindi na po siya nakakaganap ng kaniyang mga tungkulin sa araw-araw,” ayon kay Castro.

Kung mapapansin lamang aniya ng publiko na talagang pinapakalat at marahil ay para palabasin na hindi maganda ang kalusugan ng Pangulo kaya’t may kumalakat aniya na ‘bleeding gums’ na viral video ngayon.

‘Pinalalabas na not in good health ang Pangulo. Mapapansin ninyo po, siguro po kahit po iyong mga media, halos araw-araw naman po ay nakikita ninyo ang Pangulo sa kaniyang mga activities at sa kaniyang pagsama dito sa Alyansa,” aniya pa rin.

Maliban pa aniya diyan ay may meeting na kasama siya at mga gabinete nito (Pangulong Marcos).

“Sa aking perspektibo dahil nakakasama tayo mismo ng Pangulo, maganda po ang kalusugan ng ating Pangulo,” ang pagtiyak ni Castro.

Kaya ang pakiusap ni Castro sa mga fake news peddlers ay huwag gawan ng kuwento ang Pangulo patungkol sa kaniyang kalusugan. Hindi aniya ito maganda para sa bansa.

Dapat pa nga aniya ay ipagdasal ng lahat na maging maganda ang kalusugan ng mga namumuno sa bansa at sa mga sambayanang filipino.

“At iwasan po nila na magbigay ng speculation; kahit hindi po doktor ay nagpapakadoktor sa social media,” ang sinabi ni Castro.

Samantala, sa ulat, ayon sa mga nakapanood sa pagtatalumpati ng Pangulo na umere sa RTVM o Radio Television Malacañang, sa simulang bahagi nito ay wala naman silang napansing parang mapulang liquid sa  kanyang ngipin, labi at gilagid.

Subalit, sa gitnang bahagi ng pagsasalita ng Chief Executive ay mapapansin nga ang tila dugo sa lower part ng kanyang bibig. Ayon sa mga netizens, feeling nila ay nagkaroon ng pagdurugo ang mga labi o gilagid ng presidente. Kris Jose