MANILA, Philippines – Hinimok ng Korte Suprema ang mga ahensya ng pamahalaan na agaran kumilos para mapaayos ang kondisyon ng mga kulungan sa bansa.
Ipinaala ng Supreme Court (SC) na tungkulin ng gobyerno na maglaan ng malinis, ligtas at may sapat na kagamitan ang mga pasilidad para sa mga nakukulong.
Nagbabala ang SC na sakaling hindi pa rin umaksyon ang mga kaukulang ahensya, makikialam na ito upang masiguro na mapoprotektahan ang karapatan ng mga detainees.
“It does not escape the Court that the improvement of penal facilities may be restricted by a budget which only the Congress can provide and which the Court cannot compel to allocate. This budgetary constraint, however, does not mean that the inmates or detainees in prison or jail are not entitled to their right to live a decent life when in penal facilities. The Court can still grant some form of relief to the detainees or prisoners therein, as the ultimate guardian of the Constitution.”
Ipinaalala rin ng korte sa mga pulis na kahit gumagamit sila ng temporary holding areas, kailangan pa rin ito maging malinis at maayos na pinapanatili.
Ang naturang pahayag ay bunsod ng desisyon ng Second Division ng SC kung saan kinatigan nito ang pagbasura ng Ombudsman sa reklamong inihain ng Commission on Human Rights (CHR) laban sa mga pulis sa Tondo, Manila.
Inakusahan ng CHR ang mga pulis na nag-operate ng “secret detention cell” sa loob ng Raxabago Police Station 1.
Sinabi ng CHR na tatlong lalaki at siyam na babae ang nagsisiksikan sa loob ng maliit at at maruming kwarto na nakatago sa likod ng isang istante. Isinumite ng CHR bilang ebidensya ang kinuha nilang video footage.
Itinanggi naman ng mga pulis na isa itong sikretong kulungan.
Masyado umanong siksikan na ang kulungan ng Raxabago Police Station 1 kaya ginamit nila ang maliit na silid bilang pansamantalang holding area habang iniimbistigahan ang kaso ng mga detainees.
Ibinasura ng Ombudsman ang reklamo ng CHR at sinabing hindi malinaw ang iprinisintang video footage dahil ipinakita lamang dito ang isang madilim na kwarto na may ihian.
Sang-ayon ang SC na walang ebidensya na mayroon secret detention cell o may paglabag ang mga pulis sa Anti-Torture Act of 2009 na nagbabawal sa mga nakatago na selda o solitary cells.
Gayunman, binigyan-diin ng SC na mahalagang matugunan ng gobyerno ang hindi maganda na jail condition.
“SC acknowledged the budget limitations faced by the police officers but emphasized that detainees still have basic rights under the law, including the right to decent living conditions while in custody.” TERESA TAVARES