MANILA, Philippines – Nag-ikot si DoTr Secretary Vince Dizon sa Port of Batangas na isa sa nangungunang pantalan na may pinakamaraming pasahero tuwing Semana Santa.
Sa tala ng Phiippine Ports Authority (PPA), higit 20,000 pasahero ang inaasahan mula sa kabuuang humigit-kumulang 1.73 milyong pasahero sa mga patalan sa buong bansa ngayong Semana Santa.
Kasama ni Dizon si PPA Genaral Manager Jay Santiago sa paglilibot sa iba’t ibang pasilidad ng pantalan kabilang ang passenger entrance, ticketing booths, x-ray baggage scanners, passenger lounge, restroom, food stalls, at boarding gates papunta sa mga barko.
Ito ay upang matiyak ang kahandaan at kaligtasan ng mga pasahero sa pantalan na inaasahang dadagsa ngayong Kuwaresma.
Layunin ng kanilang pagbisita na tiyaking maayos, ligtas, at komportable ang daloy ng mga pasahero sa isa sa pinakamataong pantalan tuwing Semana Santa.
Pinuri ni Dizon ang mga isinagawang pagbabago sa Batangas Port tulad ng pagpapaluwag Passenger Terminal Building. Bukod dito, nawala na rin ang mga fixer na nag-aalok ng iligal na aktibidad.
“Ngayon pagbaba nila sa kalye, diretso na sila sa loob, covered ‘yung walkway at meron pang mga trolly para sa mga medyo may mabibigat na maleta. Meron ding mga shuttle para sa mga senior at PWD and pagpasok mo naman dito sa terminal, para kang nasa mall—maayos na maayos,” sabi ng kalihim.
Bukod sa Batangas Port, kabilang sa top 5 na pinakamaraming pasahero ngayong Semana Santa ay ang Port Management Office (PMO) Mindoro, Panay/Guimaras, Negros Oriental/Siquijor, at Bohol.
Inaasahang magsisimula sa Martes, Abril 14 ang pagdasa ng mga pasahero na uuwi ng kani-kanilang mga probinsya. Jocelyn Tabangcura=-Domenden