MANILA, Philippines- Magandang balita ang hatid ng mga kompanya ng langis sa bansa sa mga motorista dahil magpapatupad sila ng malakihang bawas-presyo sa kanilang petrolyo na magiging epektibo bukas ng umaga.
Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng bawas-presyo na P2.45 sa kada litro ng gasolina, P1.90 sa kada litro ng diesel at P2.40 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo ng alas-6 ng umaga.
May oil price rollback din sa presyo ng mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel na ipatutupad ng alas-12:01 bukas ng madaling araw.
Ang ipatutupad na bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod ng patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Matatandaang nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.10 sa kada litro ng gasolina, P0.20 sa kada litro ng diesel at P0.45 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes