COTABATO CITY – Inaresto ng mga awtoridad ang isang umano’y bigtime na nagbebenta ng droga at nasamsam sa kanya ang P3.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust sa Marawi City nitong Miyerkules, May 15.
Kinilala ni Regional Director Gil Cesario Castro ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) ang suspek na si Arham Hadji Omar Alim, 25, ng bayan ng Maguing, Lanao del Sur.
“Nakuha sa kanya ng mga operatiba ang limang malalaking sachet na naglalaman ng 500 gramo ng shabu,” sabi ni Castro tungkol sa isinagawang operation.
Nasabat din aniya ng mga pulis ang sasakyan ng suspek, na pinaniniwalaang ginagamit sa paglalako ng ilegal na droga sa Marawi City at mga kalapit na lugar.
Bago arestuhin si Alim, sinabi ni Castro na tinulungan ng mga tauhan ng militar at pulisya ang PDEA sa pagsubaybay sa mga galaw ng suspek sa paligid ng Lanao area sa nakalipas na dalawang linggo.
Kasalukuyang nakakulong sa PDEA-BARMM detention facility sa lungsod na ito, si Alim ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT