MANILA, Philippines- Pumalo na sa halos isang milyon ang bilang ng aspiring candidates para sa Barangay at Sangguniang Elections 2023 ang naghain ng kanilang kandidatura sa ika-limang araw ng filing ng Certificate of Candidacy (COC), sinabi ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa Comelec, sa paunang ulat sa mga COC na natanggap nitong Setyembre 1, alas-10 ng umaga, may kabuuang 944,325 na aspiring candidates ang naghain ng kanilang COC sa buong bansa.
Sa kabuuan, 70,925 ang nag-file para sa posisyon ng barangay chair habang 518,383 ang nag-file para sa posisyon ng sangguniang barangay member.
Samantala, 58,914 ang naghain ng kanilang COCs para sa SK chairmanship, habang 296,103 ang naghain bilang SK members.
Sinabi ng Comelec na mayroon lamang 672,016 na pwesto na bukas para sa 2023 BSKE: 42,001 bawat isa para sa barangay chair at SK chair, at 294,007 bawat isa para sa sangguniang barangay at SK membership.
Tatanggap lamang ang Comelec ng mga COC hanggang ngayong Sabado, Setyembre 2, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Gayunman, pinalawig ang deadline sa Metro Manila at Abra hanggang Setyembre 4, at Ilocos Norte hanggang Setyembre 3, dahil sa pagsuspinde sa trabaho ng gobyerno at patuloy na pag-ulan na dala ng bagyong pinalakas ng habagat.
Ang panahon ng kampanya ay mula Oktubre 19 hanggang 28, habang ang halalan ay nakatakdang isagawa sa Oktubre 30 pagkatapos ng maraming pagpapaliban. Jocelyn Tabangcura-Domenden