Home METRO Bilang ng nagtutungo sa MNC ngayong All Souls’ Day bumaba

Bilang ng nagtutungo sa MNC ngayong All Souls’ Day bumaba

MANILA, Philippines- Bahagyang bumaba ang bilang ng bumibisita sa Manila North Cemetery (MNC) kumpara nitong Nobyembre 1 na umabot sa mahigit 1 milyon.

Sa pinakabagong monitoring ng MPD Command Center, simula kaninang umaga ay pumapalo pa lamang sa 200,000 ang mga nagtutungo sa sementeryo.

Sa panayam kay MPD Director Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, na nakatutok maghapon sa MNC, nanatiling naka-heightened alert ang kapulisan hanggang bukas, Nobyembre 3.

Ayon kay Ibay, maliban sa ilang insidente ng minor cases ay wala ng iba pang insidente.

Ang kanilang deployment aniya ay mananatili rin hanggang bukas subalit depende sa dami ng tao kung kinakailangang magbawas ng deployment o hindi.

Samantala, isang senior citizen ang dumulog sa Command Center dahil nitong Nobyembre 1 pa hindi nakauwi sa kanilang pamilya ang kanyang 47-anyos na anak na babae matapos dumalaw sa Manila North Cemetery. Jocelyn Tabangcura-Domenden