Home METRO P6B pinsala sa agrikultura, imprastraktura naitala sa Bicol sa hagupit ni ‘Kristine’

P6B pinsala sa agrikultura, imprastraktura naitala sa Bicol sa hagupit ni ‘Kristine’

BICOL- Mahigit P6.7 bilyon ang pinsala sa agrikultura, imprastraktura, at iba pang ari-arian ng gobyerno sa rehiyon sanhi ng bagyong Kristine, noong nakaraan linggo.

Ayon kay Gremil Alexis Naz, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol, umabot sa P1.9 bilyon ang halaga ng agrikultura na pinsala, na nakaaapekto sa mga pananim, hayop, manok, at iba pang imprastraktura ng agrikultura.

Matinding tinamaan ang Camarines Sur, Naga City, na umabot sa P927 milyon ang napinsala. Sinundan ito ng lalawigan ng Albay, na umabot ng humigit-kumulang P369 milyon.

Halos hindi pa nakarekober ang ilang bayan sa Naga City, mula nang tamaan ng malawakan at matinding baha noong Oktubre 22, at ang mga bayan na apektado sa Camarines Sur at Albay ay nagsisilbing catch basin ng tubig-baha.

Habang nasa 379 na barangay ang nanatiling baha sa Camarines Sur, kasama ang dalawa sa bayan ng Libon, Albay.

Nasa P4.8 bilyon naman ang mga nasirang tulay, kalsada, flood control, at iba pang pasilidad.

Dagdag pa ni Naz, hindi bababa sa 111 kalsada at tulay ang hindi pa rin madaanan, habang 30 iba pa ay pwede lamang madaanan na sasakyan.

Umabot naman sa P2.5 milyon ang napinsala sa mga non infrastructure facility, kabilang ang mga street light at electrical system.

Umakyat sa 57 ang bilang ng mga namatay, apat ang nawawala at 35 ang mga sugatan dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Patuloy naman bibeberipika ng tanggapan ng disaster management ang bilang ng mga nasawi.

Hanggang ngayon ay wala pa rin suplay ng kuryente ang mga residente sa bayan ng Tiwi ng Albay, dahil ang karamihan sa lokal na suplay ng kuryente ay nanatiling putol kasunod ng pagkawasak na dulot ni Kristine.

Maraming barangay ang nanatiling walang kuryente at halos libo-libong residente pa ang nanatili sa evacuation.

Sinabi ni Tiwi Mayor Jaime Villanueva na tatlo lamang sa 25 barangay ng bayan ang ganap na naibalik ang kanilang suplay ng kuryente, dahil ang pangunahing linya ng kuryente ay patay pa rin bunsod ng lahat ng mga poste ng kuryente sa lugar ay gumuho dahil sa lakas ng hangin.

Aniya, nagtulong-tulong na ang mga electrician mula sa mga barangay ng Tiwi para sa pag-aayos ng mga drop wire sa mga tahanan ng mga residente upang mabawasan ang mga interruption kapag ganap ng naibalik ang kuryente.

Sa pahayag naman ni Albay Electric Cooperative information officer Anj Galero, pinagsisikapan nilang maibalik ang kuryente sa buong lalawigan. Mary Anne Sapico