Home NATIONWIDE Bilang ng ‘naputukan’ umakyat na sa 17

Bilang ng ‘naputukan’ umakyat na sa 17

MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) na may 17 kaso na ng fireworks-related injuries ang naitala mula Disyembre 22 hanggang 23, 2024 ilang araw bago ang pagsalubong ng Bagong Taon o year 2025.

Ayon sa DOH, naitala ang mga kaso mula sa 62 sentinel hospitals na binabantayan ng Kagawaran sa buong bansa.

Sa mga kasong ito, 16 ay lalaki na edad 7 hangang 37 taong gulang.

Mas mataas ito kumpara noong 2023 na may 6 na kaso sa parehong panahon, ayon pa sa DOH.

Paalala naman ng DOH, iwasan ang paggamit ng anumang uri ng paputok. Gumamit ng mga alternatibong pampaingay tulad ng tambol, torotot, at iba pa.

Huwag din hayaan ang mga bata na magpaputok.

Sakali namang mangailangan ay maaring tawagan ang National Emergency hotline sa numerong 911 at 1555 naman para sa DOH hotline.

Dagdag pa ng DOH, kailangang may disiplina upang ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay masaya. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)