Home METRO Bilang ng pobre sa Batangas, dumami – PSA

Bilang ng pobre sa Batangas, dumami – PSA

Sa kabila ng pagkilala bilang isang maunlad na lalawigan sa Region 4A o CALABARZON, tumaas pa rin ang bilang ng mahihirap na pamilya sa Batangas, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong Enero 2025.

Base sa datos ng PSA, nadagdagan ang bilang ng mahihirap na pamilya sa Batangas ng 7,200 mula sa 32,300 noong 2021 patungong 39,500 noong 2023.

Tumaas din ang poverty incidence rate ng Batangas mula 4.3 percent noong 2021 patungong 4.9 percent noong 2023, dagdag pa rito.

Kung ikukumpara namansa ibang lalawigan sa rehiyon, bumaba ang bilang ng mahihirap na pamilya sa Cavite, Laguna at Quezon.

Ibig sabihin, hindi ramdam ng mga residente ang sinasabing pag-unlad ng mga industriya at turismo sa lalawigan.

Tumaas din ang tinatawag na subsistence incidence sa lalawigan o iyong mga pamilyang hindi sapat ang kita para makabili ng pangunahing pangangailangan sa pagkain.

Mula 1.0 percent noong 2021, umakyat ito sa 1.4 percent noong 2023, na pangalawang pinakamataas sa rehiyon.

Pagdating naman sa tinatawag na poverty threshold, kailangan naman ng isang pamilya na taga-Batangas na kumita ng P15,457 kada buwan para matugunan ang kanilang pangangailangan sa pagkain at iba pang mga bagay. Mas mataas ito sa P12,845 noong 2021.

Kaya naman ngayong eleksyon 2025 nananawagan ang mga Batangueño sa kanilang mga kababayan na pumili ng nararapat na ihahalal. RNT