Home NATIONWIDE Bill ukol sa seguridad maingat na talakayin- Usec. Torres

Bill ukol sa seguridad maingat na talakayin- Usec. Torres

219
0

Manila, Philippines – Nanawagan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa isang mahinahon at makabansang diskurso hinggil sa ilang panukalang batas sa ika-20 Kongreso na may malalim na implikasyon sa pambansang seguridad at integridad ng demokrasya.

Sa isang pahayag, ipinaabot ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto C. Torres Jr. ang kanyang pangamba sa House Bill 1272 na inihain ng Makabayan bloc na layong ipawalang-bisa ang Anti-Terrorism Act of 2020. Sa kabilang banda, positibo naman ang pagtanggap ng task force sa panukala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na amyendahan ang Partylist System Act upang hadlangan ang mga grupong may ugnayan umano sa mga itinalagang teroristang organisasyon.

“Ang dalawang panukalang ito ay nagtataas ng isang mahalagang tanong: Paano natin mapangangalagaan ang demokrasya nang hindi ito naaabuso ng mga kumakalaban sa mismong mga prinsipyo nito?” ani Torres.

“Ang demokrasya ay dapat ipagtanggol, hindi ginagamit bilang kasangkapan ng mga nais sirain ang pagkakaisa at kapayapaan.”

Ayon sa mga mambabatas ng Makabayan, ginagamit umano ang Anti-Terror Law upang patahimikin ang mga kritiko. Ngunit giit ni Torres, wala pang sinuman ang nahatulan sa ilalim ng batas dahil lamang sa mapayapang protesta o lehitimong pagtuligsa.

“Hindi ito batas na laban sa mga aktibista. Ito ay panangga laban sa pambobomba, asasinasyon, at pagrerekrut sa mga kabataan para sa armadong pakikibaka. Ito’y para sa proteksyon ng mga Lumad na bata at mga pamayanang ginagamit bilang taguan o daanan ng mga rebelde,” ani Torres.

Binigyang-diin din niya na kinatigan ng Korte Suprema ang Anti-Terrorism Act, at pinagtibay ang mga probisyong nagsisilbing proteksyon laban sa pang-aabuso.

“Isa itong makabagong batas na tumutugon sa makabagong banta—hindi ito instrumento ng panunupil,” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ng task force ang pagsuporta sa panukala ni Sen. dela Rosa hinggil sa partylist system, kasabay ng pagbanggit sa mga dating rebelde na nagsiwalat na may ilang grupong gumagamit sa sistema bilang legal na harapan ng CPP-NPA-NDF.

“Ang partylist system ay nilikha upang maging tinig ng mga laylayan—hindi para pagkublihan ng mga tagasuporta ng armadong rebelyon,” ani Torres.

Binigyang-diin ng NTF-ELCAC na ang tunay na kinatatakutan ng mga pamayanang biktima ng karahasang komunista ay hindi ang Anti-Terror Law, kundi ang kawalan ng malinaw na pagkilala sa pagitan ng lehitimong adbokasiya at organisadong panlilinlang.

“Walang demokratiko sa pagtanggap ng panlilinlang sa ngalan ng representasyon. At hindi mapaniil ang pagtatakda ng hangganan sa pagitan ng makabuluhang pakikilahok at mapanirang pagsasamantala,” wika pa ni Torres.

Muling tiniyak ng task force ang kanilang paninindigan sa pagtatanggol ng demokratikong espasyo, institusyon, at sa pagbubunyag ng mga nagsasamantala sa batas sa ngalan ng aktibismo.

“Alam na natin ang naging bunga ng pananahimik noon. Huwag na nating hayaang maulit ang pagkakamali ng pagpapabaya sa panlilinlang na nagkukubli sa batas na dapat ay para sa kapakanan ng mamamayan,” pagtatapos niya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here