BENGUET, Philippines – Ilang gate ng Ambuklao at Binga Dam sa Benguet ang binuksan, Linggo ng umaga para magpalabas ng tubig, datos mula sa PAGASA.
Alas-otso ng umaga, binuksan ang dalawang gate ng Ambuklao Dam sa 0.8 metro o kabuuang 155.71 cms.
Ang reservoir water level (RWL) ng Ambuklao Dam ay nasa 751.86 meters, malapit sa 752-meter normal high water level (NHWL).
Tatlong gate naman ng Binga Dam ay binuksan ng 8 a.m. ngayong Linggo. Binuksan ang mga gate sa 1.3 metro o kabuuang 257.61 cms.
Ang RWL ng Binga Dam ay nasa 574.45 metro noong 8 a.m., na malapit sa 575-meter NHWL o spilling level.
Sinabi ng PAGASA na magdadala ng pag-ulan sa buong bansa ang Southwest Monsoon (Habagat) at trough ng Severe Tropical Storm Danas (dating Bising) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Linggo.
Maaaring asahan ng Cordillera Administrative Region na kinabibilangan ng Benguet ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa habagat. Ang katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan ay maaaring magresulta sa mga pagbaha o pagguho ng lupa, dagdag ng PAGASA. RNT/MND