MANILA, Philippines – Ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility ay may “mataas na posibilidad” na maging tropical depression sa loob ng 24 oras, ayon sa PAGASA.
Alas-3 ng madaling araw, ang LPA ay nasa 1,100 kilometro silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon.
Patuloy na magdudulot ng ulan ang Habagat at localized thunderstorms. Makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog ang Ilocos Region, Batanes, Babuyan Islands, Apayao, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro. Ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas naman ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan.
Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas din ng mga pag-ulan dahil sa localized thunderstorms. Nagbabala ang PAGASA laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa oras ng malalakas na thunderstorm. RNT