Bulacan – Syut sa kulungan ang 18-anyos na binata matapos umanong hampasin at saksakin ng basag na bote ng kalaro sa kasagsagan ng larong pool sa San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ang suspek na isang high school student, habang ang biktima ay si Jhapet, 21, kapwa residente ng Brgy. Sto. Cristo
Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang 11:00 ng umaga nitong Nobyembre 7 sa Brgy. Sto. Cristo.
Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa habang naglalaro ng pool sa lugar.
Nabatid na nagpambuno ang dalawa hanggang sa nakadampot ng bote ng beer ang suspek at inihampas sa ulo ng biktima.
Hindi pa napigil ang suspek nang saksakin ng basag na bote ang biktima na tinamaan sa gawing kaliwang katawan.
Dahil dito, humingi ng saklolo ang kaanak ng biktima sa mga Barangay Tanod na agad rumesponde sa lugar kaya nahuli ang suspek at isinuko nila sa pulisya.
Dinala ang duguang biktima sa ospital ng lungsod SJDM para sa paunang lunas habang ang suspek na humihimas ng rehas ay nahaharap sa kasong Frustrated Homicide. Dick Mirasol III