Home METRO Binata inararo ng kalabaw sa palayan!

Binata inararo ng kalabaw sa palayan!

Image Representation Only

NEGROS OCCIDENTAL- Hindi inakala ng isang binata na ang pagpapakain nito sa kalabaw ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos itong atakihin, noong Sabado sa bayan ng Pontevedra.

Hindi na umabot pang buhay nang makarating sa ospital ang biktima na kilala sa pangalang Rensky, 19, at residente ng Barangay DSB, Pontevedra, Negros Occidental.

Ayon kay Police Capt. Darryl Kuhutan, hepe ng Municipal Police Station, natagpuan ang bangkay ng biktima madaling ng Linggo Marso 2, 2025, sa palayan na tadtad ng sugat.

Bago ang insidente noong Sabado ng hapon, nagpaalam ang biktima sa kanyang pamilya na magpapakain ito ng kalabaw sa palayan subalit hindi na ito nakauwi pa.

Sinabi ni Kuhutan, napansin nila ang lalaking kalabaw na nakakalas ang lubid at nagpaikot-ikot sa palayan at puro dugo ang sungay, kaliwang tenga at lubid nito sa ilong na isang palatandaan na inatake nito ang biktima.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente habang nakatakda namang magkaroon ng pag-uusap ang may-ari ng kalabaw at pamilya ng biktima. Mary Anne Sapico