Bulacan – Dead on arrival sa pagamutan ang 30-anyos na binata matapos tadtadrin ng saksak ng kainuman sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) nitong Setyembre 7.
Kinilala ng pulisya ang kalunos-lunos na biktima na si “MJ”, construction worker, residente ng Brgy. Bagong Buhay 1.
Nakatakas naman ang itinuturong suspek na si alyas “Ge”, 23, binata, walang trabaho, pawang residente ng Brgy. Citrus.
Sa report ng SJDM police station, naganap ang madugong insidente bandang 7:00 ng gabi sa isang inuman sa Brgy. Citrus.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sa kasagsagan ng inuman ay biglang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang magkatoma.
Dahil dito, umuwi ang suspek sa kanilang bahay hanggang sa bumalik ito bitbit ang kutsilyo at walang habas na pinagsasaksak ang kaargumentong biktima sa ibat-ibang parte ng katawan.
Agad na tumakas ang suspek sa lugar habang ang biktima ay dinala sa ospital para sa paunang lunas subalit binawian na ito ng buhay.
Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para mahuli ang suspek na nahaharap sa kasong murder. Dick Mirasol III