BULACAN – Patay na nang matagpuan ang isang binata na napaulat na nawawala matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) noong hapon ng Agosto 10.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si alyas John, 17, binata, 1st year college student, residente ng Towerville, Brgy. Sto. Cristo.
Ayon sa ulat at batay na rin sa ina ng biktkma, nawala ang kanyang anak nang tangayin ng malakas na agos sa kasagsagan ng buhos ng ulan dulot ng habagat bandang 4:00 ng hapon sa ilog sakop ng Brgy. Sto Cristo.
Dahil dito, nagpatuloy ang rescue team sa paghahanap sa karugtong ng ilog hanggang sa matagpuan ang katawan ng biktima bandang 3:00 ng hapon ng Agosto 12 sa ilog sakop ng Brgy. Parada, Sta Maria.
Agad nakipagkoordinasyon ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima para sa kaukulang dokumentasyon.
Sinasabing sinagip ng biktima ang isang indibiduwal na nalulunod hanggang sa naligtas ito subalit siya ay sinawing palad kalaunan nang tangayin ng malakas na agos, ayon na rin sa impormasyon.
Sinusulat ito, may tatlo pang binatilyong napaulat ng araw na iyon na inanod ang patuloy na hinahanap ng mga awtotidad. (Dick Mirasol III)