CEBU, Philippines – Nakabigti at wala ng buhay nang matagpuan sa puno ng santol ang isang 15-anyos na estudyante matapos umanong pagalitan ng kanyang ina dahil sa paglalaro ng online game na Mobile Legends (ML), nitong Lunes, Agosto 25, 2025, sa Sitio Proper, Barangay Canlumampao, Toledo City.
Kinilala ang biktima na si John Marchel Yu Selgas, Grade 10 student, na natagpuang nakabigti sa puno ng santol pasado alas-12 ng tanghali. Idineklarang dead-on-arrival ang binatilyo sa Toledo City General Hospital.
Ayon kay Police Staff Sgt. Chunryl Vinffer Villa Napao, imbestigador ng Toledo Police Station, sinabi ng ina ng biktima, si Rose Anne Jean Selgas, na pinagalitan niya ang anak bandang alas-10 ng umaga matapos itong umuwi nang dis-oras ng gabi galing sa bahay ng tiyahin, kung saan naglaro ito ng ML kasama ang mga pinsan.
Pagsapit ng tanghali, hinanap umano ng ina ang anak upang kumain ngunit hindi ito makita. Ilang minuto ang lumipas, isang kapitbahay ang nagbalita na nakita si John na nakabigti sa puno ng santol gamit ang lubid na nakapulupot sa leeg.
Ayon sa pulisya, inilarawan si John bilang tahimik. Siya ang panganay sa tatlong magkakapatid. Tumanggi ang mga magulang na ipa-autopsy ang katawan dahil kumbinsido silang walang foul play sa insidente.
Para sa mga dumaranas ng depresyon, nag-aalok ang Philippine Mental Health Association, Inc. Cebu Chapter ng online psychiatric at psychological services mula Lunes hanggang Biyernes, 8 a.m. hanggang 5 p.m., sa 0917-655-0023 o [email protected].
Maaari ring tumawag sa Tawag Paglaum Centro Bisaya, isang 24/7 suicide prevention at emotional crisis hotline sa mga numerong 0939-937-5433, 0939-936-5433 at 0927-654-1629. /Mary Anne Sapico