Home METRO COA Inspection Teams kasado na vs. Bulacan flood control projects

COA Inspection Teams kasado na vs. Bulacan flood control projects

256
0

MANILA, Philippines – Magsisimula na ang Comission on Audit (COA) Inspections Teams sa pagbusisi sa lahat ng ginagawa pa at nakompleto nang flood control projects sa Bulacan simula Enero 1, 2022 hanggang Hulyo 31, 2025.

Nilalaman din ng bagong memorandum mula kay COA Chairman Gamaliel A. Cordoba ang pagsasaprayoridad sa mga kontratang may malalaking halaga pababa.

Umaabot sa P44 bilyon ang nailaan para sa flood control ng Bulacan, pinakamalaki sa buong Region 3 na katumbas ng 45% ng allocated budget. Kabuuang P98 bilyon naman ang inilaan sa buong Central Luzon mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, o 18% ng P548 bilyong pondo sa buong bansa.

Sa pagsasagawa ng technical inspections, inaatasan ang Inspection Teams na beripikahin at i-document ang “Physical Existence and Status” ng mga proyekto, kabilang dito ang pagtatapat ng aktuwal na progreso sa aprubadong work program, at gayundin ang “Compliance with Design and Specifications.” Dito’y susuriin naman ng Inspection Teams kung nasunod ba ang aprubadong plano at mga detalye, kabilang ang kalidad ng materyales at pagkakagawa.

Ipapasa ang lahat ng Technical Inspection Reports sa Overall Team Supervisor ng Fraud Audit Teams. Nakadetalye dapat sa findings para sa bawat proyekto ang mga pagkukulang, iregularidad, at iba pang isyu.

Matatandaan na nauna nang ipinag-utos ng COA chairman ang pagsasagawa ng fraud audit sa flood control projects sa Bulacan, bilang bahagi ng hakbang ni Pangulong Bongbong Marcos na papanagutin ang mga responsable sa mga pumalpak na proyekto kontra baha sa iba’t ibang panig ng bansa.

Noong Agosto 19, napasakamay na ng COA Fraud Audit Office ang unang batch ng mga importanteng dokumento kaugnay ng mga naturang proyekto sa nasabing probinsiya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here