MANILA, Philippines – Nakatakdang dumating sa Mayo ang 22,000 metric tons o 22 milyong kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) na inangkat ng pamahalaan sa pamamagitan ng state-run Philippine National Oil Company (PNOC) upang palakasin ang buffer stock ng bansa sa gitna ng nagpapatuloy na fuel crisis sa Middle East.
Sa isang virtual press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na inilagay ngayong linggo ang order dahil nananatiling mababa ang imbentaryo ng LPG sa bansa. Ayon sa datos ng Department of Energy (DOE), sapat ang suplay ng LPG para sa 36 na araw, kumpara sa 49 na araw para sa diesel, 54 na araw para sa gasolina, at 105 na araw para sa kerosene.
“In terms of LPG, we contracted the first volume through PNOC… they just ordered 22,000 metric tons of LPG,” pahayag ni DOE Undersecretary Alessandro Sales sa naturang briefing.
“The delivery window for this cargo is sometime in the second to third week of May, so this will boost our LPG buffer stock,” dagdag niya.
Nauna nang umorder ang pamahalaan, sa pamamagitan ng PNOC-Exploration Corp., ng 1.042 milyong bariles ng diesel upang madagdagan ang fuel reserves ng bansa sa gitna ng krisis dulot ng sigalot sa Middle East.
Dumating ang unang 142,000 bariles noong Marso 26, habang ang natitirang 900,000 bariles ay nakatakdang maideliber ngayong Abril. Noong nakaraang Sabado, dumating din sa bansa ang paunang 300,000 bariles ng diesel.
Ayon kay Sales, inaasahan ang mga susunod na delivery ng diesel “by the end of this week,” habang ang huling kargamento ay darating makaraan nito. Dave Baluyot