Home OPINION BINU-BULLY NG CHINA MULA SILANGAN HANGGANG KANLURAN

BINU-BULLY NG CHINA MULA SILANGAN HANGGANG KANLURAN

HINDI na nakatutuwa! Ang huling panghihimasok ng China sa karagatan ng Pilipinas, sa pagkakataong ito ay sa bahagi ng Pasipiko malayo sa napakalawak nitong maritime territorial claims, ay talaga namang nakakagalit. Maliwanag na bullying ang pagpapadala ng China ng research vessels sa Philippine (Benham) Rise.

Dapat nang tigilan ng mga tagapagsalita ng Beijing ang katawa-tawang pagpapalusot nila nang tinatawag nilang scientific expedition; naroon sila para magmanman sa galawang gahaman, sinisipat-sipat ang mga likas na yaman ng munti nilang kalapit-bansa na maaari nilang pakinabangan.

Tama si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez nang sabihing dapat lang na itodo ng administrasyon ni Presidente Bongbong Marcos ang pag-iingay, paulit-ulit na magkasa ng protesta, hindi lamang sa papel, kundi sa paraang mas konkreto ang pag-aksyon.

Tama, maging ang pinsan ng Punong Ehekutibo, si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sa pagsasabing aktwal nang pag-atake ang mga panghihimasok na ito sa territorial integrity ng ating bansa, isang lantarang paglabag sa soberanya ng Pilipinas.

Hey, Chinese Embassy! Hindi ipinamimigay ang Philippine Rise. Kapuri-puri para sa Firing Line ang pagpapadala ng Philippine Coast Guard ng mga magpapatrolya. Sa kabila nito, dapat lang na mabahala at mag-alala ang mga hukbong pandagat ng ibang mga bansa dahil ang pagtatangka ng mga barko ng China na maghari-harian sa bahagi ng malaya at demokratikong Pilipinas sa Pasipiko ay hindi lamang magiging parusa para sa mga Pilipino.

Inalis na ng China ang mga barko nito sa lugar sa ngayon, batay sa huling report ng PCG, pero naroroon pa rin ang nagbabadyang banta. Dapat manatiling laging nakaalerto ang Pilipinas. Sinadya ng China na gawin ito habang ang Pangulo ng bansa ay nasa opisyal na pagbisita sa Australia. Isa iyong hayagang kabastusan sa pandaigdigang batas at sa pagpapakadisente.

At para bang lalo pang pinalala ang sitwasyon, dinagdagan pa ng China ang pambabastos sa Pilipinas nang inatake nito ang mga tauhan ng Philippine Navy sa South China Sea gamit ang water cannons. Ang nakagigigil na insidenteng ito, na nagresulta sa pagkakasugat ng apat nating kababayan, ay isang direktang pag-atake sa soberanya ng Pilipinas at kahindik-hindik na paglabag sa pandaigdigang batas.

Wala yatang hangganan ang kakapalan ng mukha ng China, ano? Garapalang inatake ng Coast Guard ng China ang mga Pilipinong nagsasagawa lamang ng routine re-supply mission. Ang kaduwagang ito ay nagpapakita ng kawalang respeto ng China sa diplomatikong asal at nagbibigay-diin sa agresibong expansionist agenda nito sa rehiyon.

Mahirap lang lunukin ang katotohanan na walang ibang inasahan ang mga barko ng Pilipino kundi ang kanilang sarili habang sinasalag ang mga walang pakundangang pag-atake ng China sa West Philippine Sea, samantalang nakamasid lang sa mga kaganapan ang naglalakihang komunidad ng mga bansang nakapaligid sa West Philippine Sea, mula sa Japan at South Korea hanggang sa magkakaalyadong ASEAN na Vietnam, Malaysia, Singapore, at Indonesia, maging ang Australia, sampu ng kanilang pawang makakapangyarihang hukbong pandagat.

Isa itong malinaw na paalala sa walang katapusang banta ng China sa mga kalapit-bansa nito. Pero pinili ng China na ipagbanduhan ang kaangasan nito sa pamamagitan ng pambabastos sa mga Pilipino sa sarili nilang teritoryo upang maging malinaw sa bawat isa sa mga bansang nakamasid lang, kasama na ang Amerika, kung sino ang pinakamakapangyarihan sa lahat!

Kung nagkataong Hawaii ang dumanas nang sinapit ng Pilipinas, hindi uwedeng ganoon na lang ‘yun. Magkakaisa at magsasanib-puwersa marahil ang pandaigdigang komunidad laban sa pambu-bully ng China.

                                               *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

 

Previous articleMAS PINALAWAK, PINAGBUTING BENEPISYO – LEDESMA
Next articleDARATING ANG KARMA