
NAKALULUNGKOT isipan na ibinabandona ng administrasyong Marcos ang pagiging patas ng kanyang pamahalaan –Ang Bagong Pilipinas, subalit hindi naman ito nangyayari sa lahat ng sangay ng ahensiya –lokal o nasyunal man.
Siyempre, nakalalamang lagi ang may kilala at may pera. Hindi pwedeng pumantay ang langit sa lupa?
Sa lokal na pamahalaan na lang, isang halimbawa na hindi naaasikasong mabuti ang isang mamamayan na may kailangan sa pamahalaang lungsod o munisipyo kapag wala siyang dalang tarheta o hand written note ng sinomang “siga ng bayan.”
Bukod kasi ito kapag hindi naging maayos na pananamit sa pagtungo sa tanggapan. Pero kapag ang dumating sa pamahalaang bayan o lungsod ay nakamagarang damit o sasakyan, hindi humihinto ang sasakyan ay asikasong-asikaso na ito. Hindi pa nagsasalita sa kailangan, nakasalo na kaagad ang mga tauhan ng munisipyo o lungsod sa takot na baka kaibigang matalik ng kanilang boss, ayaw nilang managot.
Tulad noong isang linggo, araw ng Biyernes, natawagan sa mobile phone ang inyong lingkod ng isa sa pinagkakatiwalaan ng isang alkalde sa Metro Manila. Nasa harap ng Pakurot ang isang Chinese na nagpakilalang alyas “Roberto Gonzales” na kung makaasta ay akala mo utusan niya ang inyong lingkod.
Ito namang katiwala ng alkalde o “little mayor” na isa ring Chinese ay nagbanta na tila siya ang batas na hindi pwedeng baliin ang kanyang utos. Hindi niya inalam kung ano ang protocol at tamang hakbang sa kanyang itinawag na problema.
Batid ko na tama ang paninindigan at panuntunang ipinatutupad ko. Kaya lang ay nagbanta na ang “alter ego” ni mayor kung kaya’t tumupi na lang ako dahil napahiya ako sa harap ng ponsio pilatong Chinese na kaibigan ng opisyal at kasama nito.
Ang sa akin lang, sana, bago kampihan o panigan ng sinomang opisyal ang kanilang kaibigan, alamin muna nila kung hindi sila nalalagay rin sa balag ng alanganin. Porke ba’t Chinese siya at Chinese rin ang lumapit sa kanya, sila na ang tama?
Kung tutuusin kasi, pwedeng ireklamo ang ginawa ng “little mayor” pero huwag na lang palakihin ang gulo. Tutal sabi ko nga, hindi naman ako ang magdadala ng karma. Hindi rin habang panahon ay nasa pwesto sila.
Darating din ang karma sa kanila!