Home OPINION BOSS IRONMAN MOTORCYCLE CHALLENGE, IPATIGIL MUNA

BOSS IRONMAN MOTORCYCLE CHALLENGE, IPATIGIL MUNA

TALAGA nga palang kaawa-awa ang sinapit ng mga nasawi nating mga kababayan sa nakaraang BMW Owner’s Society of Saferiders  Ironman Motorcycle Challenge o BIMC sa Luzon.

Isang taga-Dagupan at isang taga-La Union ang namatay dahil sa nakabanggaan nitong mga kalahok na rider ng nasabing endurance challenge. Mabuti na lamang at nabuhay sa kabila ng mga tinamong sugat ang isang taga-Isabela. Sa katunayan nag-viral sa social media ang ilang video patungkol sa aksidenteng kinasasangkutan ng mga kalahok na rider ng BOSS Motorcycle Challenge.

Babala lamang dear readers, huwag na ninyong panoorin dahil hindi magiging maganda ang epekto sa inyo.

Napaisip lamang tayo na sa kabila ng kasiyahan ng mga finisher at pagbibida ng mga organizer dahil naging matagumpay “daw” ang kanilang layon eh’ meron namang nagluluksang pamilya dahil lamang sa mapanganib na challenge na ginawa sa publiko at hindi sa pribadong lugar.

Una’t sapul, high risk ang pagmamaneho ng anomang sasakyan sa national highway. Kung ang challenge ay tungkol sa endurance at hindi karera na totoo namang panuntunan ng BIMC, ano ang naging control ng organizer para masawata ang lalabag dito? Ah, oo nga pala, may DQ o disqualification silang tinatawag dahil monitor nila ang andar ng bawat motorsiklo sa pamamagitan ng global positioning system device na nakakabit dito. Inuulit natin na hindi karera ang BIMC kundi endurance challenge at ang bawat kalahok ay kinakailangang bagtasin ang 1,200 KM na ruta sa loob ng 24 hours ng walang paglabag sa batas-trapiko.

Hindi epektibo ang ganitong sistema kontra aksidente, dahil mauuna muna ang ‘unsafe act’ ng mga “kamote” bago pa man sila ma-DQ at sa kalaunan ay makasagasa at makamatay.

Bilang isang lisensiyadong safety and health consultant, rekomendasyon nating ipatigil muna ang challenge na ito habang wala pang matibay na solusyon na magiging ligtas para sa lahat. Malalaman naman ang ugat ng aksidente kung pangungunahan ng organizer ang imbestigasyon at ‘root cause analysis’ na susundan ng ‘risk assessment’. Kamote man o hindi, maaaring maging biktima ng pagkakataon ang bawat kalahok. Ipaliliwanag natin ‘yan sa susunod na kolum.

Hiling din natin na laging unahin ang kapakanan ng publiko sa ganitong uri ng challenge, dahil ang dinaraanan ng mga kalahok ay matagal nang ruta ng ating mga kababayan lalo na ‘yung mga nasa simple at may ordinaryong pamumuhay.

Bukas po muli ang pahinang ito para sa panig ng BIMC.

Previous articleDARATING ANG KARMA
Next articleTULOY-TULOY NA PAKIUSAP NI PBBM