Home OPINION TULOY-TULOY NA PAKIUSAP NI PBBM

TULOY-TULOY NA PAKIUSAP NI PBBM

NOONG Sabado, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ang pamahalaan ay patuloy na hihikayatin ang mga insurektos o mga rebelde na ibaba  ang kanilang mga armas at sumuko na lamang para sa tunay na kapayapaan at sa kanila na ring kapakanan.

Binitiwan ni Pangulong Marcos ang mga kataga nang magtungo siya sa Mindanao para sa “Panabangan Si Kasanyangan”, sa English ay “Peace Offering Ceremony” sa Sumisip, Basilan.

Ang kanyang pakiusap ay hindi lamang para sa mga rebelde sa Mindanao kundi para sa lahat ng mga insurektos o rebelde, kasama na ang CPP-NPA-NDF.

Kaya nga raw inilapat at ibinigay ng pamahalaan ang amnestiya ay para mawala na ang kaguluhan sa bansa. Kasama pa rito, na para sa mga magsisisuko, may nakalaang pang mga programa para sa kanilang kapakanan.

May pangkabuhayan showcase (parang showbiz lang) o ‘livelihood’ na maaaring simulan para umunlad ang buhay ng mga susuko. May pabahay pang kasama ‘yan.

Sa mga lugar naman na kanilang ginulo, may dagdag pang ibang proyekto. Mga imprastraktura, paaralan, para lamang mabago ang kanilang pagtingin sa pagmamalasakit ng pamahalaan na mapabuti ang lahat.

Saan ka pa? Sa pamumundok, naghihirap sila. Patago-tago sa kagubatan. Nagugutom at pagod sa kanilang pakikipaglaban sa tropa ng pamahalaan.

Sa seremonyang iyon, nasaksihan ni Pangbulong Bongbong ang pag-sira sa napakaraming armas na naisuko na, apat na raan (400) lang naman.

Dahil alam na ng karamihan ng mga rebelde sa Mindanao na walang patutunguhan ang pakikipaglaban sa pamahalaan, pag-suko ang pinaka-magandang paraan para umiral ang kapayapaan at kaunlaran.

Paano nga naman uunlad ang isang lugar kung laging may kaguluhan? Ang amnestiyang ibinigay ni PBBM sa mga Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB); Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF); Moro Islamic Liberation Front; and Moro National Liberation Front ay para sa ikagaganda ng Pilipinas.

‘Di lamang sa mata ng mga dayuhan, kundi para sa kapakanan nating lahat na mga Filipino.

Ano pa ang inaantay ng mga rebeldeng ito? Ang mapatay sa pakikidigma sa pamahalaan o kagutuman?

Walang ibibigay na magandang resulta ang inyong pinaggagawa mga kababayan ko kaya mas mainam na magbalik-loob na lang kayo, at tugunan ang pakiusap na ito ng Pangulo.

Ang pagbabalik-loob sa pamahalaan ang maituturing ng ating mga kababayan na tunay n’yong kabayanihan.