MANILA, Philippines — Nagpirmahan ng kasunduan ang biopharmaceutical company na Sanofi Philippines at health maintenance organization (HMO) provider na PhilCare upang isulong ang mas maagap na pangangalaga sa kalusugan ng mga manggagawang Pilipino.
Ayon sa dalawang kumpanya, nakahanay ang kanilang partnership sa pagdiriwang ng World Day for Safety and Health at Work sa Abril 28 at World Immunization Week mula Abril 24 hanggang 30, na kapwa nagbibigay-diin sa kahalagahan ng preventive measures para sa mas ligtas at mas malusog na kapaligiran sa trabaho at komunidad.
Sinabi ni Vanessa Gomez na mahalaga ang pagpapanatili ng kalusugan ng workforce upang masuportahan ang patuloy na paglago ng ekonomiya. Binigyang-diin niya na ang pagbabakuna ay isa sa mga pinakaepektibong paraan upang maprotektahan ang kalusugan ng mga empleyado.
Batay sa datos, umabot sa 65.7% ang labor force participation rate sa bansa, kung saan higit 52 milyong Pilipino ang aktibong nagtatrabaho at nag-aambag sa ekonomiya habang sinusuportahan ang kanilang mga pamilya.
Gayunpaman, nananatiling hamon ang mga sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna, tulad ng trangkaso, na nagdudulot ng pagkaantala sa trabaho at pagbaba ng produktibidad. Karaniwang tumataas ang kaso ng flu mula Hunyo hanggang Nobyembre, ngunit nananatiling mahalaga ang proteksyon sa buong taon.
Para sa mga hindi bakunadong adulto o nasa tamang edad, lalo na ang may mga iniindang karamdaman, mas mataas ang panganib ng komplikasyon. Maaari rin itong magresulta sa pagliban sa trabaho, pagkawala ng kita, at dagdag gastusing medikal na lalong nagpapabigat sa pinansyal na kalagayan ng pamilya.
Ayon naman sa World Health Organization, mahalaga ang pagbabakuna upang maiwasan at makontrol ang pagkalat ng mga sakit. Sa kabila nito, nananatiling mababa ang bilang ng mga nasa tamang edad na nagpapabakuna dahil sa kakulangan sa kaalaman, limitadong access, at gastos.
Bilang tugon, layunin ng Sanofi at PhilCare na palawakin ang kaalaman at access sa bakuna sa kanilang corporate members, kasabay ng pagpapalakas ng adbokasiya sa preventive healthcare.
Ayon kay Jaeger L. Tanco, patuloy ang kanilang paghahanap ng mga solusyon upang maging mas responsive ang healthcare services sa pangangailangan ng mga Pilipino. Aniya, kabilang sa kanilang hakbang ang paglalagay ng mga bakuna tulad ng flu shot sa kanilang mga serbisyong medikal.
Dagdag naman ni Zainab Sadat, bawat manggagawang napoprotektahan laban sa sakit ay katumbas ng isang pamilyang umaasa sa kanila. Aniya, layunin ng partnership na matiyak na mananatiling malusog ang mga empleyado at patuloy na makapagtaguyod sa kanilang pamilya.
Sa kabuuan, itinutulak ng inisyatibang ito ang paglipat mula sa reaktibong gamutan tungo sa maagap na proteksyon sa kalusugan—isang hakbang na inaasahang magpapatibay sa mas matatag at mas handang workforce ng Pilipinas. JAY Reyes







