Home NATIONWIDE BIR bukas sa pagpapalawig ng deadline sa pagsusumite ng imbentaryo ng ‘di...

BIR bukas sa pagpapalawig ng deadline sa pagsusumite ng imbentaryo ng ‘di gamit na OR

MANILA, Philippines – PINALAWIG ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang deadline sa mga magsusumite ng imbentaryo para sa mga hindi nagamit na opisyal na resibo ng value-added tax-registered na mga tao at negosyo, alinsunod sa pagpapatupad ng Ease of Paying Taxes Act.

Ayon sa BIR, dapat nakalagay sa imbentaryo ang natitirang bilang ng mga hindi nagamit na booklet at ang kanilang mga kaukulang serial number.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., pinalawig umano nila ang nasabing deadline makaraang makita nila na marami pa umanong taxpayers na pumupunta sa kanilang opisina at hindi pa nakakapag-comply.

Sa ilalim ng batas, sa halip na opisyal na resibo, isang sales invoice ang kinakailangan para sa pagbebenta ng mga serbisyo, katulad ng pagbebenta ng mga kalakal, dahil ang mga patakaran sa VAT treatment ay pareho. Ang threshold para sa pag-isyu ng nararapat na rehistradong mga sales invoice ay tumaas sa P500 mula sa P100.

Gayunpaman, maaari pa ring gamitin ng mga nagbabayad ng buwis ang kanilang mga natitirang official receipts bilang invoice hanggang Disyembre 31, 2024, kung magsusumite sila ng imbentaryo nang hindi lalampas sa Mayo 27. Kakailanganin lang nilang ilagay ang “Official Receipt” sa dokumento at tatakan ang salita “Invoice” bago ito ibigay.

Umapela naman ang ilang negosyo para sa pagpapalawig ng bisa sa Disyembre 31 ng mga hindi nagamit na opisyal na resibo. Sinabi ng BIR Chief na ang usapin ay isinasaalang-alang ng ahensya.

“Pinag-aaralan natin, tinitingnan natin na wala na tayong gagawing deadline kundi hanggang maubos ang official receipts, para hindi naman masayang ang mga naimprentang official receipts. Basta sumunod lang sa guidelines na itinakda kung paano iko-convert itong official receipts na naimprenta natin to an invoice,” paliwanag ni Lumagui.

Sinabi ng BIR na ang Ease of Paying Taxes Law ay nakikinabang sa mga nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pagtanggal ng P500 annual registration fee, pagbabawas sa income tax return page para sa mga micro at small taxpayers, at pagpapahintulot sa mga nagbabayad ng buwis na magrehistro sa electronic man o manual. Jay Reyes