MANILA, Philippines – Natuklasan ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Senador PIa Cayetano na umabot sa 1,501 certificate of live birth ang ibinigay ng bayan ng Sta Cruz Davao Del Sur sa dayuhan mula 2016 hanggang 2023.
Sa kanyang testimonya sa pagdinig ni Cayetano sa pekeng dokumento, sinabi ni Sta. Cruz government Legal Officer Ryonnel Cabardo na walang Filipino parents ang nakatala sa 54 na birth certificates na ibinigay sa dayuhan.
“Sa 1,501, we noticed na 54 nito wala pong Filipino parents ang na-indicate sa birth certificates,” tugon ni Cabardo sa tanong ni Cayetano.
“We found out that these documents… kulang po ‘yung mga attachments so we concluded na irregularly issued po siya na birth certificates. As of now, we cannot conclude kung falsified po yung mga entries,” dagdag niya.
Sinabi ni Cabardo na sa halip Filipino ang nakatala sa dokumento, natuklasan na pawang Chinese ang magulang ng kumuha ng birth certificate.
Tinutupad ng Pilipinas ang jus sanguinis (right of blood), isang legal principle na kapag ipinanganak, naisasalin sa indibiduwal ang nationality ng natural parents.
Ayon kay Cabardo na kitang-kita ang kamalian sa 1,501 birth certificate dahil bukod sa late na isinumite ito, naglalaman din ng “foreign-national sounding names.”
Samantala, inihayag naman sa Cayetano committee ni Sta. Cruz Mayor Jose Nelson Sala na kasalukuyang sinuspinde ang local civil registrar na sangkot sa pagpapalabas ng certificates.
Bumuo din ang lokal na pamahalaan ng ad hoc committee na mag-iimbestiga sa insidente.
Inihayag naman ni Blue Ribbon chairperson Cayetano sa awtoridad na palawakin pa ang imbestigasyon sa pekeng dokumento.
“Our team is aware na merong kaso na pati ‘yung parents niya ang nakakuha ng fake birth certificate… so ngayon pag naipanganak na ‘yung baby nila, ang basehan nitong bagong birth certificate nitong si baby ay ‘yung birth certificate na mukhang totoo,” ayon kay Cayetano.
“So possible na may Chinese-sounding name si baby, hindi na siya late registration (the baby may have a Chinese-sounding name, but the birth certificate is no longer registered late),” dagdag ng senador.
Samantala, natuklasan din ng komite mula sa datos ng Philippine Statistics Authority, na talamak ang pagbibigay ng pekeng birth certificates sa limang local civil registrars kabilang ang Manila, Caloocan, Quezon City, Pasay City, at Pasig City.
Binibigyan ang local civil registrars ng fake documents mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa counterchecking.
Pero, ayon kay Lucena Flores ng Caloocan City Civil Registry Office, na wala silang personal record ng spurious documents mula sa DFA.
Aniya, isang dokumento lamang ang nakita nilang fake na nilagdaang ng dating civil registrar na matagal nang patay.
Dahil dito, umapela si Flores sa DFA na makipag-ugnayan sa local registrars hinggil dito dahil nakababahala kapag nilalampasan ang kanilang tanggapan.
“Gusto po sana naming i-suggest na kapag tayo po ay nag issue ng passport, pwede po ba siguro sa DFA ay mag countercheck po sa amin?” aniya. Ernie Reyes