SINABI ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hanggang ngayon ay wala pa ring “real progress” sa apela na palayain ang mga Filipino seafarer ng MV Galaxy Leader na bihag ng grupong Houthi sa Red Sea.
Siyam na buwan na kasi ang nakararaan ng bihagin ang mga ito ng Houthi rebels sa Yemen.
Sa ngayon, napaulat na naka-recover na kasi sa sakit ang tatlong Filipino seafarers na nasa kustodiya ng mga rebeldeng Houthi na tinamaan ng malaria.
“They have recovered and are on the ship or are being returned to the ship,” ang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migration Eduardo Jose de Vega.
“No real progress on talks as the Houthis insist on their position that they will only release the seafarers if the Israelis end their hostilities in Gaza,” aniya pa rin.
Nauna rito, batay sa update ng DFA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may petsang Hulyo 30, kinumpirma ni Al-Jamal na ilang Filipino crew members ng MV Galaxy Leader ang nakararanas ng makabuluhang isyu sa kalusugan, kabilang ang mga sintomas ng malaria.
Sinabi nito na ang gobyerno ng Sana’a sa Yemen ay nagbigay ng tulong medikal sa mga maysakit na tripulante at humingi ng tulong si Al-Jamal mula sa mga awtoridad ng Sana’a para sa kanilang pagpapalaya, na binanggit ang mga makataong dahilan dahil sa kanilang humihinang kondisyon sa kalusugan.
Ang Houthis ay naglunsad ng kampanya ng pag-atake sa mga sasakyang pandagat sa isa sa mga pinaka-abalang shipping lane sa mundo mula noong Nobyembre bilang pakikiisa sa mga Palestinian sa panahon ng digmaan ng Israel sa Hamas sa Gaza.
Ayon naman kay DFA Assistant Secretary Robert Ferrer, posibleng makalaya sa kustodiya ng Houthi ang mga Filipino seafarers kung magkakaroon ng ceasefire sa pagitan ng dalawang partido, kahit 24 hanggang 48 oras lang. Kris Jose