Home OPINION MTFI NAKATAKDANG MAITANIM ANG 2.7 MILYONG PUNO SA TAONG 2025

MTFI NAKATAKDANG MAITANIM ANG 2.7 MILYONG PUNO SA TAONG 2025

AABOT sa 2.7 milyon na puno ang nakatakdang maitanim ng Million Trees Foundation, Inc. (MTFI) sa taong 2025 base sa natanggap nitong “pledges” buhat sa 31 partners nito sa buong bansa, malaki ang maitutulong nito sa pagseseguro ng suplay ng malinis na tubig.
Isinagawa ang pangako kasabay ng pagdaraos ng 2nd Annual Million Trees Challenge (AMTC) at pagpaparangal sa mga na­ging katuwang na mga organisasyon at indibidwal sa pagtatanim noong taong 2023. Ginanap ito sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) office sa Balara, Quezon City.
Target ng AMTC na makapagtanim ng aabot sa 10 milyong puno hanggang taong 2030. Pero batay sa datos, simula taong 2017 ay nasa 7.8 milyon nang puno ang naitanim sa ilalim ng programa.
Kinilalang Champion of Trees Award at Million Trees Achie­ver ang San Miguel Corporation, Manila Water Company, Inc., Maynilad Water Services, Inc. at ang Sta. Ana Internatio­nal Corporation.
Simula taong 2017 ay nakapagsagawa na ng rehabilitasyon ang MTFI sa mga watershed ng Angat dam, Ipo dam, Kaliwa dam, La Mesa dam, Laguna Lake, Umiray, Upper Marikina, at maging sa Manila Bay.
Isinusulong ng foundation ang pagtatanim ng kawayan sa mga pampang ng ilog, narra at ylang-ylang naman sa ibang lugar.
Malaki ang naitutulong ng kawayan sa pagsipsip at paghawak ng tubig, nababawasan din ang pagkakaroon ng soil erosion at pagkawala ng lupa.
Maliban sa reforestation at environmental sustainability, nagkakaloob din ang MTFI ng oportunidad sa kabuhayan para sa mga komunidad na nasa loob at malapit sa mga watershed mula sa adbokasiya nito sa pagtatanim ng puno.
Sinabi naman ng MWSS na mayroon itong binuong roadmap na naglalayon na mabigyang proteksyon at mapreserba ang likas yaman ng bansa, partikular ang pinagkukunan ng malinis na tubig.
Pinasalamatan ng ahensiya ang MTFI dahil sa malaking suporta nito kung kaya nagagampanan nito ang mandato para sa water security ng Metro Manila, at mga lalawigan ng Cavite, Rizal, at Bulacan.
Ibinahagi rin ng ahensiya na mayroong 25-year Integrated Watershed Management Roadmap para sa mga watershed ng Angat, Ipo at La Mesa, habang ginagawa na rin ang parehas na plano para sa Umiray-Kaliwa-Kanan watersheds, at sa Laguna de Bay at Upper Marikina watershed.
Nagtataglay ang roadmap ng kombinasyon ng scientific knowledge at sinaunang paniniwala at tradisyon ng mga lokal, at humihikayat sa pagtutulungan sa kabila ng pagkakaiba.