MANILA, Philippines- Ipinakakansela sa mababang korte ng Office of the Solicitor General (OSG) ang birth certificate ni Bamban Mayor Alice Guo.
Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na isinampa ng OSG ang petition for the cancellation of the certificate of live birth sa Tarlac City Regional Trial Court (RTC).
Ayon sa OSG, nabigo si Guo na sumunod sa legal requirements para sa late registration.
Nakasaad sa petisyon na kulang sa supporting documents ang inihaing late registration ni Guo. Wala aniyang baptismal certificate, school records, income tax return, insurance policy, medical records, barangay certification at iba pang dokumento na magpapatunay sa pangalan, petsa at lugar ng kapanganakan at mismong pangalan ng kanyang mga magulang.
Ayon sa OSG, wala ring affidavit mula sa ‘disinterested witnesses’ na may nalalaman sa pagsilang noon ni Alice Guo.
Nabatid na kahit 19-anyos na si Alice noong 2005 at ang ama pa nito na si Angelito ang nagparehistro sa kanyang birth certificate.
Iginiit ng OSG na paglabag ito sa mandatory rule ng NSO Administrative Order No. 1-93 kung saan nakasaad na personal dapat na mag-apply ng late registration ang sinumang tumuntong sa edad na 18-anyos.
Maliban dito, may pagkakaiba sa entries ng kanyang birth certificate at sa impormasyon sa iba nitong public records.
Samantala, nilinaw ni Guevarra na ang inihaing petition for cancellation sa korte ay maaaring magpalakas sa ihahain ding quo warranto petition na layong mapatalsik sa posisyon si Guo.
“This will lay the groundwork for the subsequent filing of a petition for quo warranto.”
Naniniwala si Guevarra na sapat na ang mga ebidensya para maghain ng quo warranto petition. Teresa Tavares