MANILA, Philippines- Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi napagtagumpayan ng K to 12 program ang layunin nitong itaas at mapahusay ang ’employability’ o kakayahang magtrabaho ng mga graduates sa Pilipinas.
Sa isang ambush interview sa Sulu, sinabi ng Pangulo na tinalakay na niya ang nasabing programa kay incoming Education secretary Sonny Angara.
Aniya, tinitingnan nila ang pagkakaroon ng ‘short courses’ para mapahusay ang ’employability’ ng graduates.
“There are two elements we paid attention to specifically… No. 1, ginawa natin ‘yung K to 12 dahil hinahanap ang years of training sa ating mga nag-apply at sinasabi dito sa Pilipinas kulang dahil 10 years… That was the reason we did it para employable ‘yung mga graduate natin,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Pero kung titignan natin ang naging resulta, hindi tumaas, hindi gumanda ang employability nila. So we have to do something else. Kaya we were examining things like mini-courses, three to six na buwan, one-year short courses para sa mga specialty,” dagdag niya.
Sa kabilang dako, nagpatulong si Pangulong Marcos kay Angara bilang bagong Kalihim ng Department of Education (DepEd) na pataasin ang international standing ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA) at paghusayin ang pagtuturo ng kasaysayan sa mga estudyante.
“May binanggit siya about history. ‘Yung hindi ba naka-focus masyado lang sa memorization pero kundi sa pag-uunawa o pag-iintindi sa mga nangyari talaga kung bakit nangyari yun. ‘Yung making history interesting for our young people,” ayon kay Angara.
Si Angara ang pumalit sa iniwang posisyon ni Vice President Sara Duterte matapos magbitiw bilang Kalihim ng DepEd noong Hunyo 19, 2024.
Sa ulat, lumalabas na pangalawang termino na ito ni Angara bilang senador kaya’t hindi na maaari pang tumakbo para sa reelections sa darating na halalan sa 2025.
Nauna rito, inanunsyo ni Pangulong Marcos ang pagkakatalaga kay Angara habang isinasagawa ang 17th Cabinet Meeting sa Palasyo ng Malakanyang, Martes ng umaga.
Sinabi ni Angara, nakatuon ngayon ang kanyang liderato sa pagbubukas ng school year. Nakikipag-ugnayan na aniya siya sa kanyang predecessor na si VP Sara at sinabi na ipagpapatuloy niya ang pag-streamline ng kurikulum.
“We’ll continue whatever review was started. Pero may batas kasi yan. At the end of the day, ang masusunod dyan ay ang Congress. So we’ll kung ano ang policy direction as the highest policy-setting body, we’ll have to follow whatever the law dictates,” dagdag na wika nito.
Si Angara ay isa sa mga mambabatas na nasa likod ng pinahusay na basic education or K-12 program, na kasalukuyang nasa ilalim ng masusing pagrerebisa ng DepEd.
“Well, I think hindi na humingi si Vice President for the last two years ng confidential funds so I don’t think it will be necessary,” ayon sa mambabatas.
“But of course, we support any pending measures like we supported yung increase in the teaching allowance. Isa tayo sa mga authors nun. So anything that will help improve the compensation and the benefits of our teachers, 100% supportive tayo,” dagdag na pahayag ni Angara.
Samantala, sa panawagan naman ng pribadong eskwelahan na magtaas ng tuition fee, sinabi ni Angara na: “May costs talaga diyan. Eh kung ako naman, however, the department can help our schools whether public or private. Kasi yan ang mandato natin sa ilalim ng Saligang Batas. There is complementarity and we’re constitutionally mandated to support the schools irrespective of whether they are public or private.” Kris Jose