Home NATIONWIDE BJMP warden, pinagsabihan sa pabago-bagong testimonya ukol kay Romualdez

BJMP warden, pinagsabihan sa pabago-bagong testimonya ukol kay Romualdez

1
0

MANILA, Philippines – Pinagsabihan ng isang mahistrado ng Sandiganbayan ang isang warden ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa hindi magkakatugmang pahayag nito tungkol sa pagpasok ng personal assistant ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Quezon City Jail sa Payatas.

Sa bail hearing ng kasong plunder ni Romualdez, inamin ni Jail Supt. Maria Lourdes Pacion na pinayagan din niyang tulungan ni Arvin de Guzman, personal assistant ng dating kongresista, ang pag-set up ng CPAP machine nito tuwing gabi.

Kinuwestiyon ito ni Associate Justice Karl Miranda dahil taliwas umano sa nauna niyang pahayag na pinapayagan lamang pumasok si De Guzman sa pasilidad tuwing visiting hours, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

“So you’re changing your answer again? … If the congressman sleeps at 5:00, then I would understand what you’re saying. But you said you did not know what time he sleeps,” ani Miranda.

“You’re here to tell us the truth. Stop changing the story. Just stick to one, kung ano yung totoo,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Pacion na pinayagan niyang tumulong si De Guzman dahil hindi umano matatag ang mental na kalagayan ni Romualdez at kailangan nito ng tuloy-tuloy na pangangalagang medikal. Kabilang dito ang regular na pagsukat ng blood pressure, pag-inom ng mga iniresetang gamot at paggamit ng CPAP machine gabi-gabi.

Gayunman, tinanong ni Miranda kung bakit kailangang umasa ang kulungan sa personal assistant ni Romualdez sa halip na sariling tauhan ng BJMP ang tumulong sa pangangailangan nito.

Binigyang-diin din ng mahistrado na maaaring magmukhang may espesyal na pagtrato kay Romualdez, na hindi patas sa ibang mga nakakulong.

Mga sirang CCTV camera

Muling pinabalik sa witness stand si Pacion matapos ang ocular inspection ng korte sa pasilidad. Natuklasan sa inspeksiyon na mahigit kalahati ng mga CCTV camera sa kulungan ay hindi gumagana at walang maayos na camera na nakatutok sa lugar kung saan naroon ang selda ni Romualdez.

Tinanong ni Miranda kung paano matitiyak ng korte na hindi lumabas si Romualdez sa pasilidad, gayong maraming blind spot ang surveillance system ng kulungan.

Sinabi ni Pacion na sigurado siyang hindi ito lumabas dahil sa umiiral na custodial protocol, kung saan binibilang ang mga person deprived of liberty (PDL) nang tatlong beses kada araw—alas-7 ng umaga, alas-3 ng hapon at alas-11 ng gabi. Mayroon din umanong blood pressure monitoring ang mga nurse tuwing alas-8 ng umaga at alas-6 ng gabi.

Gayunman, sinabi ni Miranda na may pagdududa siya sa pagiging ganap na tama ng pahayag ni Pacion, bagama’t nilinaw niyang hindi niya sinasabing lumabas sa pasilidad si Romualdez.

Ayon kay Pacion, humingi na siya ng tulong sa Quezon City local government para maglagay ng karagdagang CCTV camera. Nagpadala rin umano siya ng mga kahilingan sa BJMP regional director at jail chief superintendent ngunit wala pa siyang natatanggap na tugon.

Sinabi naman ni Miranda na hindi dapat umasa lamang ang BJMP sa lokal na pamahalaan at kailangang isama sa budget ang pag-aayos ng problema sa surveillance system.

Nagharap din si Pacion ng mga larawan mula sa CCTV na nagpapakita kina Romualdez at De Guzman habang nagsasagawa ng sunning exercises noong Oktubre 21, 27 at 28, gayundin noong Nobyembre 2.

Kinuwestiyon ni Miranda ang nauna ring pahayag ni Pacion na walang pinapayagang bisita tuwing Lunes, dahil isa sa mga larawang isinumite nito ay kuha noong Nobyembre 2, na araw ng Lunes.

Ipinaliwanag ni Pacion na bahagi ito ng mga pansamantalang hakbang bilang konsiderasyon sa mga nakakulong.

“Do not insult the intelligence [of the court]. Give a reason that is believable,” sabi ni Miranda. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here