Home METRO Lider ng grupo na may kasong murder, nalambat sa Parañaque

Lider ng grupo na may kasong murder, nalambat sa Parañaque

1
0

PARAÑAQUE CITY, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Parañaque City police ang di-umano’y lider ng isang grupo ng kriminal na nahaharap sa kasong murder Miyerkules ng hapon, Nobyembre 11.

Sa isinumiteng report na natanggap ng Southern Police District (SPD) ay kinilala ang inarestong suspek na si alyas Jay, 40, na tinaguriang most wanted person (MWP) ng Parañaque City police.

Base sa isinagawang imbestigasyon, nadakip ang suspek bandang alas ala 1:10 ng hapon sa Barangay San Antonio, Parañaque City.

Sa pakikipag-ugnayan ng Warrant and Subpoena Section sa Intelligence Section ng nasabing himpilan ay inaresto ang suspek sa bisa ng inisyung warrant of arrest na inilabas ni Parañaque City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Brigido Artemon Masilungan Luna III, ng Branch 196, sa ilalim ng Criminal Case No. 2018-045 na walang kaakibat na rekomendasyon na piyansa.

Naging resulta ang matagumpay na operasyon ng tuloy-tuloy na pangangalap ng intelligence information, beripikasyon ng mga rekord, at masusing pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang tanggapan.

Bagama’t walang nakitang positibong resulta sa paunang beripikasyon gamit ang mga available na database ng law enforcement agencies at mga rekord ng warrant, ipinagpatuloy ng intelligence personnel ang pagkalap ng impormasyon at pagsusuri sa background ng suspek.

Sa pamamagitan ng karagdagang koordinasyon, nakumpirma ang pagkakaroon ng nakabinbing warrant of arrest laban sa suspek, dahilan upang agad na magsagawa ng operasyon na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Itinuturing namang mahalagang tagumpay ang pag-aresto sa mga pagsisikap ng SPD na tugisin ang mga indibidwal na sangkot sa organisadong kriminalidad, partikular ang mga may hawak na posisyon sa pamumuno sa loob ng mga criminal group.

Ipinakita rin ng pagkakadakip sa suspek, na kinilalang lider ng isang criminal group, ang paninindigan ng distrito na papanagutin hindi lamang ang mga indibidwal na lumalabag sa batas kundi maging ang mga pangunahing personalidad sa likod ng mga organisasyong kriminal na umano’y sangkot sa mabibigat na krimen.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Parañaque City police ang akusado habang hinihintay ang pagsasauli ng warrant sa korte na naglabas nito. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here