MANILA, Philippines – Pinatatag ng Philippine Air Force (PAF) ang kakayahan ng mga S-70i “Black Hawk” helicopter nito sa self-defense at mission support sa pagdating ng M-134D-H “Gatling Guns” sa kanilang inventory.
Ani PAF spokesperson Col. Ma. Christina Basco, nagbibigay ang Gatling guns ng suppressive fire na nagpapataas ng survivability ng eroplano sa mga lugar na mapanganib o may mataas na risk.
Mas nagiging epektibo rin ang Black Hawks sa pagsuporta sa ground forces, pagsisiguro ng ligtas na landing zones, at mas maayos na insertion at extraction ng troops sa tactical at contingency operations.
Noong Enero 23, tumanggap ang PAF ng walong M134D-H Gatling guns at limang karagdagang S-70i Black Hawks sa turnover ceremony sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Kilala ang mga Gatling guns sa mataas na rate of fire at gagamitin sa combat at non-combat missions gaya ng tactical troop transport, escort operations, air assault support, at seguridad sa humanitarian assistance at disaster response missions sa mga lugar na may banta sa seguridad.
Dagdag pa ni Basco, pinapahusay ng bagong armament ang mission effectiveness habang nananatiling versatile ang eroplano para sa military operations at emergency response. Dave Baluyot