SURIGAO DEL NORTE, Philippines – Nakapagligtas ng buhay ng isang 16-anyos na person with disability ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos malunod sa Barangay Taft, Surigao City, Surigao del Norte.
Agad rumesponde si Apprentice Seaman Rheyson Maestro nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa insidente habang nagsasagawa ng pre-departure inspection noong Setyembre 4.
Pagdating sa lugar, agad ipinagpatuloy ni Maestro ang cardiopulmonary resuscitation o CPR sa biktima at nagsagawa ng humigit-kumulang 100 chest compressions hanggang sa muling magkaroon ng malay ang dalagita.
Dumating din ang Coast Guard Sub-Station Surigao City at nakipag-ugnayan sa mga lokal na rescue personnel para madala ang biktima sa Caraga Regional Hospital.
Nasa stable condition ang biktima nang dalhin sa pagamutan.
Binigyang-diin ng PCG na bahagi ng kanilang Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement Program ang pagsasanay sa mga frontline personnel sa Basic Life Support at tamang pagsasagawa ng CPR. Jocelyn Tabangcura-Domenden