Home NATIONWIDE Board passers ng UCC, may bonus pa mula sa LGU

Board passers ng UCC, may bonus pa mula sa LGU

206
0

MANILA, Philippines – Matapos mapanatili ng University of Caloocan City (UCC) ang kahusayan sa akademiko makaraang umabot sa kabuuang 159 ang board passers noong 2025, pinagkalooban pa ang mga ito ng cash incentives mula sa pamahalaang lungsod bilang pagkilala sa karangalan na kanilang dinala sa lungsod at sa unibersidad.

Kabilang sa mga board passers ang 15 Certified Public Accountants, 65 Professional Teachers, at 79 Registered Psychometricians kabilang si G. Xian Arnel Pineda, na naging Top 4 passer ng Board and Licensure Exams for Psychometricians (BLEP).

Binati naman ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang lahat ng passers at hinikayat silang magbigay ng inspirasyon at tulungan ang iba pang kabataan ng lungsod na pahalagahan ang edukasyon at bumuo ng magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.

“Ang mga bagong board passers ng UCC ang patuloy na nagpapatunay na walang imposibleng pangarap para sa mga Batang Kankaloo. Congratulations sa inyong lahat!”

“Hiling ko lang, huwag ninyong kalimutan ang kapwa ninyo Batang Kankaloo at sama-sama nating silang tulungan at bigyan ng motibasyon na paghusayan pa ang pag-aaral,” dagdag ni Mayor Along.

Nangako rin ang alkalde na ipagpapatuloy ang mga programang nagsusumikap para mapabuti ang sistema ng edukasyon sa lungsod, mula elementarya hanggang sa graduate school programs.

“Mula elementary hanggang college, at kahit pa sa mga nakapagtapos na, sisiguraduhin natin na hindi mawawala ang suporta ng pamahalaang lungsod at magpapatuloy ang mga epektibong programang magbibigay pa ng mas malawak na oportunidad para sa inyong lahat,” pagtatapos niya. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here