Bulacan – Pinaalalahanan ng kinauukulan ang mga Bulakenyo na alamin ang mga sintomas at mga tamang impormasyon tungkol sa Nipah Virus.
Sa ulat ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) Public Health nitong Pebrero 9, walang naitatalang kaso ng Nipah Virus sa bansa sa ngayon, ngunit mahalaga itong malaman kung paano ito kumalat at paano ito maiiwasan.
Ayon sa ulat, maaring maipasa sa tao ang nasabing virus gaya ng direct contact sa infected na hayop o sa dumi, dugo at ihi nito, pagkonsumo ng kontaminadong pagkain at close contact sa taong may sakit.
Nabatid na ang mga sintomas ng virus ay ang pagkakaroon ng lagnat, hirap sa paghinga, pag-ubo, sakit ng ulo, pagsusuka at pangangati ng lalamunan.
Dahil dito, ang virus ay maaring magdulot ng impeksyon sa daanan ng hangin at sa malubhang kaso ay pamamaga ng utak at encephalitis.
Para maiwasan umano ang sakit ay ugaliin ang wastong paghuhugas ng kamay, tiyaking nahugasan ng maayos at nalutong mabuti ang pagkain, panatiliing malinis ang kapaligiran at iwasan ang pakikisalamuha sa mga tao o hayop na may sakit.
Sinasabing ang virus ay isang “zoonotic disease” na nagmula sa hayop at maaring maipasa sa tao.
Payo ng kinauukulan, kung may sintomas, kumunsulta agad sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar. Dick Mirasol III