MANILA, Philippines – NAGBABALA ang pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) hinggil sa umano’y bagong modus ng mga sindikato kjng saan ginagamit nila ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) bilang “drug mules” para makapagpuslit ng iligal na droga.
Ayon sa impormasyon na nakarating sa mga awtoridad, dalawang estilo ang ginagamit ng mga sindikato: una, ang pagre-recruit ng mga aplikante para kunwari’y trabaho sa abroad gaya ng domestic helper; at ikalawa, ang pag-aalok ng libreng “tour” o fully sponsored trip para mahikayat ang mga biktima na bumiyahe palabas o papasok ng bansa.
Mas nakaaalarma, pinaniniwalaang may mga pagkakataong isinisiksik ang droga sa bagahe ng OFW nang hindi nito nalalaman—na maaaring magresulta sa pagkakaaresto at matinding kaso sa ibang bansa.
Dahil dito, pinaigting ng BOC ang pagbabantay sa mga pantalan at paliparan upang mapigilan ang pagpasok at paglabas ng iligal na droga sa bansa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Department of Migrant Workers (DMW) para masigurong makarating sa mga OFW ang babala laban sa ganitong modus.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, dapat maprotektahan ang mga OFW laban sa mga sindikatong nagsasamantala sa kanilang kagustuhang kumita para sa pamilya.
“Kinikilala natin na ang kapakanan ng mga OFW ay pangunahing saklaw ng DMW. Nakikipagtulungan tayo sa kanila upang matiyak na hindi magagamit ang ating mga kababayan sa anumang iligal na gawain. Paiigtingin natin ang pagbabantay sa ating mga paliparan at pantalan upang may managot sa likod ng mga operasyong ito,” pahayag ng opisyal.
Pinapayuhan ang mga OFW na tiyaking lehitimo ang kanilang recruitment agency at employer bago bumiyahe. Makipag-ugnayan agad sa DMW para makasiguro.
Mahigpit ding paalala ng BOC na personal na iimpake ang sariling bagahe at huwag kailanman tatanggap o magdadala ng anumang pakete mula sa ibang tao kung hindi tiyak ang laman nito.
Patuloy ang koordinasyon ng BOC, DMW at iba pang ahensya upang mapanatiling ligtas ang ating mga hangganan at hindi magamit ang mga OFW sa mapanganib na operasyon ng mga sindikato. JAY Reyes