MANILA, Philippines – HANGGANG katapusan ng buwan ang ibinigay na palugit ng Bureau of Customs (BOC) sa “kontrobersyal” na mag-asawang kontraktor na sabit sa maanomalyang flood control projects sa bansa na sina Pacifico “Curlee” Discaya II at Cezarah “Sarah” Discaya, gayundin sa kanilang mga importer, para sa kanilang 29 luxury cars na nasa kustodiya na ngayon ng ahensya, upang maipakita ang mga dokumentong nagpapatunay na ang mga sasakyan ay sumailalim sa legal na proseso.
Sa isang press conference sa punong tanggapan ng BOC sa South Harbor, Maynila nitong Miyerkules, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ang mga dealer at may-ari ng high-end na sasakyan ay inutusan na magbigay ng import entries at certificates of payment (COP) upang suportahan ang kanilang claim na ang mga sasakyan ay legal na na-import at nakuha.
Ayon kay Nepomuceno, ang mga kotse ay na-secure sa iba’t ibang petsa kaya’t iba’t iba rin ang mga deadline na ipinataw – mula Setyembre 17 hanggang sa katapusan ng buwan.
Kasabay nito, iniulat ni Nepomuceno na 15 sa 29 na sasakyan ay walang import entries o COP documents, at ang mga ito ay maaaring ma-forfeit pabor sa gobyerno matapos ang pagpapalabas ng warrant of seizure and detention (WSD).
Batay sa record ng BOC, ang walong kotse na walang parehong dokumento ay isang Toyota Tundra 2022, isang Toyota Sequoia 2023, isang Rolls Royce Cullinan 2023, isang Mercedes Benz G63 AMG 2022, isang Mercedes Benz 6500 2019 (Brabus), dalawang Lincoln Navigator L 2022, at isang Bentley LC203 3.3 V6 ZX A/T 2024.
Ang pitong iba pang luxury cars na may import entries ngunit walang certificate of payment ay isang GMC Yukon XL Denali 2022, isang Cadillac Escalade ESV 2022, isang Lincoln Navigator 2024, isang GMC Yukon Denali 2022, isang Cadillac Escalade 2021, at dalawang Maserati Levante Modena.
Samantala, ang natitirang 14 na sasakyan ay may presumption of regularity dahil dinala sila sa bansa ng mga awtorisadong dealers na may import entry documents at certificates of payment.
Ito ang Land Rover Range Rover LWB 2019, Land Rover Defender 130 S 2023, Mercedes Benz GLS 350 D AMG L 2020, BMW X5 30D 2018, Mercedes Benz GLE 250 D 2018, Ford Bronco 2021, Jaguar F V6 2022, Volvo Wagon XC90 2021, Mercedes Benz V 220 CDI Avant 2017, Land Rover Range Rover Evoque 2020, Mercedes Benz Sprinter 316 CD 2017, Dodge Ram 1500 Rebel 2022, at Jeep Gladiator Overland.
Sinabi ni Nepomuceno na natukoy na nila ang mga daungan ng pagpasok ng mga sasakyang ito – ang mga daungan ng Batangas, Cebu, Maynila – at pito naman ang pumasok sa pamamagitan ng Manila International Container Port.
Inaalam pa ng tanggapan ni Nepomuceno ang posibleng pagkakasangkot ng mga tauhan ng bureau, dahil mahigit 10 “persons of interest” ang nakatalaga sa mga pantalang ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Nepomuceno na magsasagawa rin sila ng lifestyle check, partikular sa mga sasakyang pagmamay-ari ng apat na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang mga opisyal ng DPWH na bahagi ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects ay sina dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, dating DPWH Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, dating Bulacan Assistant 1st District Engineer Jaypee Mendoza, at dating Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo. Jay Reyes