MANILA, Philippines – Sinalakay ng sanib puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Agriculture (DA) ang isang bodega ng bigas sa Bocaue, Bulacan.
Sa report, sinalakay ng NBI katuwang ang mga tauhan ng Department of Agriculture ang malaking bodega sa Golden City nitong Martes, Pebrero 11 sa Brgy. Wakas.
Sa nasabing operasyon, tumambad sa NBI at DA ang tone-toneladang sako ng bigas na hindi pa batid ang kabuuang halaga.
Nabatid na natuklasan ng mga awtoridad na ang mga lumang imported na bigas na nasa sakong may nakasulat na 2024 ay hinahalo sa lokal na bigas at inilalagay sa bagong sako para tumaas ang presyo sa merkado.
Natuklasan din na nilalagyan pa ng pabango ang pinaghalo-halong imported na lumang bigas sa lokal na bigas para mag-amoy bago at pandan na umano’y kalat na sa pamilihan.
Ang rehistradong nagmamay-ari ng bodega ng Rice Milling at Rice Retailing sa Golden City, Taal, Bocaue, Bulacan ay si Elizabeth Pineda base sa nakuha ng NBI at DA na sanitary permit at certification of annual inspection na inisyu ng munisipalidad ng Bocaue.
Ayon sa report, isang manager, dalawang cashier at inventory officer ng naturang bodega ang hawak na ng NBI. Jocelyn Tabangcura-Domenden