MANILA, Philippines – Sinalakay ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang warehouse sa Santa Maria, Bulacan, na ilegal na nagbebenta ng paputok online.
Inilarawan ni P/Lt. Col. Milgrace Driz, Bulacan CIDG provincial officer ang sinalakay na bodega na nakatago sa isang liblib na lokasyon na may matataas na pader at nangangailangan ng ilang detour para ma-access.
Sa operasyon, nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang ₱200,000 halaga ng mga iligal na paputok, kabilang ang mga paputok tulad ng “Pla-Pla,” “Tuna,” at “Goodbye, Philippines.”
Tumangging magbigay ng pahayag ang sangkot na suspek.
Nagbabala ang mga awtoridad sa publiko laban sa pagbili ng mga paputok online, na binibigyang diin ang kahalagahan ng pagbili mula sa mga regulated at lisensyadong nagbebenta, partikular sa Bocaue, Bulacan, kung saan ang mga nagbebenta ay nag-ooperate gamit ang mga permit na ibinigay ng gobyerno.
Samantala, iniulat ng Department of Health (DOH) ang 17 firecracker-related injuries noong Disyembre 23, tumaas kumpara sa anim na kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon. Karamihan sa mga biktima ay lalaki, nasa edad 7 hanggang 37 taong gulang. RNT