Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagsuporta sa mga blogger at social media personalities sa pagsasabing malaki ang kanilang papel sa paghubog ng pampublikong diskurso at pagpukas sa mahahalagang pambansang isyu.
Idiniin ng senador na ang digital space ay dapat manatiling isang platform para sa malayang pagpapahayag at pagsasabi ng katotohanan.
“Ang mga bloggers, mga social media influencers ay may mahalagang papel sa lipunan. Sila ang boses ng taumbayan. Dapat silang suportahan, hindi patahimikin, basta doon lang tayo sa kung ano ang totoo,” sabi ni Go.
Sinabi ni Go na mahalaga ang malayang pagpapahayag ng saloobin, lalo sa mga usaping may direktang epekto sa ating mga kababayan.
Ginawa ng senador ang pahayag hinggil sa usapin ng disinformation at pananagutan sa mga digital platform.
Nanindigan si Go na ang kalayaan sa pagpapahayag at pananalita ay dapat itaguyod nang walang pag-aalinlangan o takot.
“Ang demokrasya ay buhay dahil may kalayaan tayong magsalita kaya suportado ko ang paggamit ng social media sa layuning magpahayag, magtanong, at magbigay-liwanag sa mga isyu,” ani Go.
Binigyang-diin niya na ang mga netizen, bilang bahagi ng modern public sphere, ay may karapatang magtanong at pumuna sa mga patakaran, programa, at mga pampublikong opisyal. Kinilala niya ang kanilang papel sa pagpapalaganap ng impormasyon, pagpapataas ng kamalayan ng publiko, at pagpapaunlad ng diyalogo.
“Karapatan nila ang magsalita, magtanong, at magbatikos kung kinakailangan. Basta huwag lang makokompromiso ang katotohanan,” ipinunto niya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pakikinig sa kanilang mga pananaw, pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa mga talakayan sa patakaran at pakikipag-ugnayan sa sibiko.
Kaya naman hinikayat ng senador ang mga digital creator na ipagpatuloy ang pagbabahagi ng kanilang pananaw habang ginagawa ito sa responsableng paraan.
“Sa mga blogger, huwag kayong titigil sa pagpapahayag ng totoo. Kayo ang tulay ng impormasyon sa marami nating kababayan. Sa inyong boses, mas napapalapit ang pamahalaan sa tao,” hikayat niya.