Matapos kumpirmahin ng gobyerno na malapit nang bumalik sa Pilipinas si Mary Jane Veloso matapos malagay sa death row sa Indonesia, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na kailangan ng pangmatagalang solusyon upang labanan ang forced migration ng mga Pinoy sa ibang bansa sa pamamagitan ng paglikha ng maraming domestic opportunities sa bansa.
Ipinunto ni Sen. Go na ang mga sistematikong hamon na nagtutulak sa mga Filipino upang magtarabaho sa ibayong dagat ay hindi pa rin natutugunan.
“Ikinagalak natin ang balitang posibleng makauwi na si Mary Jane. Gayunpaman, masakit na paalala ito na marami pa rin sa ating mga kababayan ang napipilitang umalis sa bansa para lang mabuhay. Kailangan nating tutukan ang pagbibigay ng mas maraming trabaho dito sa ating sariling bayan,” sabi ni Go, vice chairperson ng Senate committee on migrant workers.
Si Veloso, na naaresto noong 2010 dahil sa drug trafficking at hinatulan ng kamatayan, ay patuloy na nagsasabing siya ay biktima ng human trafficking.
Pinuri ni Go ang diplomatikong tagumpay na naging dahilan ng posibleng pag-uwi sa bansa ni Veloso ngunit sinabi ng senador na mahalagang maharap ang mga dahilan ng migrasyon ng mga Pilipino para sa trabaho.
“Hindi madali ang malagay sa sitwasyon kung saan ang tanging opsyon ay pumunta sa ibang bansa kahit napakaraming panganib. Mahirap mawalay sa pamilya. Kung may sapat na oportunidad dito, hindi na kailangang mapalayo sa pamilya at sumugal sa ibang lugar,” sabi ni Go.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangang puhunanan ang rural development at localized employment initiatives, para matiyak na ang mga oportunidad ay hindi nakakonsentra sa mga sentrong pang-urban lamang.
Binanggit niya ang patuloy na hamon na kinakaharap ng mga pamilyang naiwan ng overseas Filipino workers (OFWs) na ang ilan ay nagkakahiwa-hiwalay ang pamilya, posibleng pagdanas ng pagsasamantala, at panganib ng pang-aabuso.
Bilang tagapagtaguyod ng kapakanan ng OFW, isa sa nag-akda si Go ng Republic Act No. 11641, na lumikha sa Department of Migrant Workers (DMW). Pinabilis nito ang mga serbisyo para OFWs.
Isinulong din niya ang Senate Bill No. 2414, o ang “OFW Ward Act” para matiyak ang dedikadong serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ng OFWs at kanilang mga pamilya sa lahat ng mga ospital ng Department of Health (DOH).
Inihain din ng senador ang Senate Bill No. 2297, na layong i-institutionalize ang OFW Hospital sa Pampanga, tiyakin ang pagpapanatili nito at pagpapabuti ng pangangalagang pangkalusugan para sa OFWs at kanilang mga mahal sa buhay.
Nanawagan si Go na lalo pang palakasin ang proteksyon para sa OFWs upang maiwasan ang mga sitwasyong katulad ng kay Veloso, kung saan ang pagsasamantala at human trafficking ay naglalagay sa mga Pilipino sa panganib. Hinimok niya ang pamahalaan na gumawa ng mas komprehensibong diskarte sa pagprotekta sa mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa. RNT