NABABAHALA si Senador Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng Senate committee on health, ukol sa report na kakapusan ng supply ng gamot na antiretroviral sa apat na rehiyon ng bansa kaya hinimok niya ang Department of Health (DoH) na agarang tugunan ang isyu.
Ayon sa advocacy group na Network Plus Philippines, ang mga taong nabubuhay na may HIV (PLHIV) sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, at Central Visayas ay nasa “life-and-death situation” bunsod ng kritikal na kakulangan ng mga gamot na ARV, na napakahalaga para sa pamamahala ng kanilang kalagayan.
“Our fellow Filipinos should not be placed in such a dire predicament where they have to worry about the availability of their life-sustaining medication,” ani Go.
“Ako ay nananawagan sa Kagawaran ng Kalusugan at sa Philippine National AIDS Council na kumilos nang madalian at lutasin ang isyung ito,” dagdag niya.
Ibinunyag ng Network Plus Philippines na ang mga pasyente na may HIV ay tumatanggap lamang ng “isang bote o mas kaunti” ng mga gamot na ARV. Mababa ito sa karaniwang supply na tatlong bote na katumbas ng three-month medication regimen.
Dahil dito, ang ilang PLHIV ay sinabihan nang maghanda upang bumili ng sarili nilang gamot dahil sa kakapusan sa stock.
“Dapat tiyakin ng gobyerno na may sapat na pondo para sa gamot sa HIV. Kailangan nating suriin muli ang ating mga proseso sa pagbili, lutasin ang kasalukuyang kakulangan, at magtatag ng mas maaasahang supply chain upang maiwasan ang mga ganitong isyu sa hinaharap,” mungkahi ni Go.
Binanggit ang napakamahal na ARV treatment, idiniin ni Go ang kahalagahan ng isang free treatment hubs kung saan may libre at nakahanda nang mga gamot.
“If these hubs run out of supply, patients are left with no choice but to shoulder the cost of the medication. This is simply too burdensome for most PLHIV, especially for those who are unemployed, including teenagers,” ani Go.
“We need to ensure that these treatment hubs are fully equipped to support those in need,” anang senador.
Bukod sa Malasakit Centers at Super Health Centers, isinusulong din ni Go ang pagkakaroon ng access sa specialized healthcare para sa mga Filipino sa pamamagitan ng Regional Specialty Centers.
Sa Senado, si Go ay nag-sponsor at isa sa nag-akda ng Senate Bill No. 2212, kilala bilang Regional Specialty Centers Act, na ipinasa bago ang session break. Naghihintay na lamang ito ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging batas.
Ipinaliwanag ni Go na ang Regional Specialty Centers bill ay magtatatag ng mga espesyal na pasilidad na medikal sa lahat ng rehiyon. Mababawasan nito ang pasanin sa malalayong distansya ng pagbiyahe at gastusin ng pasyente na naghahanap ng espesyal na paggamot.
Ipinaalala ni Go sa mga awtoridad na unahin ang paggamot sa HIV at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapabuti ng paghahatid o pamamahagi ng mga gamot na ARV.
Ayon kay Go, ang buhay ng mga tao ay nasa panganib, at habang tumatagal sila nang walang gamot, mas kakila-kilabot ang potensyal na kahihinatnan nito sa kalusugan. Kailangan na nating kumilos ngayon,” ipinunto ng senador
“Dapat tayong kumilos nang mabilis at desidido upang malutas ang isyung ito at matiyak ang kalusugan at kapakanan ng lahat ng PLHIV sa ating bansa,” pagtatapos niya. RNT